Ibalóy ang tawag sa katutubong wika ng pangkating Ibalóy, isa sa mga pangunahing grupong etnolingguwistiko na matatagpuan sa lalawigan ng Benguet sa rehiyon ng Cordillera. Matatagpuan ang malaking bahagi ng populasyong Ibalóy sa timog-silangang bahagi ng nasabing lalawigan, lalo na sa mga bayan ng Kabayan, Bokod, Sablan, Tublay, La Trinidad, Tuba, at Itogon, gayundin sa katimugang bahagi ng Kapangan at sa ilang bahagi ng Atok. Sa iba’t ibang salinlahi at konteksto, tinatawag din ang pangkat na ito sa mga alternatibong pangalan tulad ng Ibadóy, Inibalóy, Benguet-Igorot, at Igodór, na nagpapahiwatig ng pagkakaiba-iba ng pagtukoy sa kanila batay sa heograpiya at kasaysayan ng rehiyon.
Bagamat buong wikang may sariling bokabularyo at gramatika, walang naisulat na tala ng Ibaloy sapagkat oral o pasalita ang pangunahing tradisyon ng rehiyon. Dahil rito, kakakitaan ng makulay na oral na tradisyon ang mga Ibaloy lalo na sa kanilang mga awit o Ba-diw kung tawagin, Budikay o bugtong, mga ritwal at seremonya (Cuilan, 2023). May malalim na paniniwala sa mga diyos ang mga Ibaloy na kung kanilang tawagin ay Kabunyan at mga espiritu ng kapaligiran tulad ng amdag (sa hangin at himpapawid), ampasit (sa mga kweba), at pinad-e ng (sa kagubatan) at sila ay nagiging tampok sa nilalaman ng kanilang mga ritwal (Clark, 2021). Malaking hamon sa wikang Ibaloy and pagbaba ng dami ng mga gumagamit nito dahil kaunti na lamang din ang nagpapasa nito sa bagong henerasyon. Maituturing na itong endangered sapagkat karamihan din sa mga naninirahan sa probinsya ay nagsimula nang mas gamitin ang wikang Ingles, Tagalog at iba pang mga wika (Anton, 2010).
Sa kasalukuyan, kadalasang kasabay ng iba pang mga wika ang paggamit ng wikang Ibalóy.. Bilang bahagi ng isang multilingual na lipunan, malawakang ginagamit ng mga Ibalóy ang Ilokáno bilang lingua franca o tulay na wika sa ugnayan sa mga karatig-pangkat at komunidad. Kalakip nito, ginagamit din ang Filipino at Inglés sa mga pormal na domeyn gaya ng edukasyon, pamahalaan, at midya. Kadalasang nakukuha ang kaalaman sa Filipino at Ingles sa pamamagitan ng pormal na edukasyon at sa patuloy na eksposyur sa telebisyon, radyo, internet, at iba pang midya, na siyang unti-unting nakakaapekto sa katayuan ng mga katutubong wika sa rehiyon.
Hindi lamang kasangkapan ng komunikasyon ang wikang Ibaloy kundi sisidlan ng kasaysayan, karunungan, at pagkakakilanlan ng sinaunang pamayanan sa kabundukan ng Cordillera. Nangangahulugan ng pagpapanatili sa mayamang pamana ng ating mga katutubong kapatid ang pangangalaga sa wikang ito.