Skip to main content
Unibersidad ng Pilipinas Diliman | Opisina ng Tsanselor

Gawad Teksbuk

Kaligiran

Pinagtibay at ipinatupad sa UP noong 1989 ang isang Patakarang Pangwika na nagtakda na Filipino ang maging pangunahing midyum ng pagtuturo. Hindi lamang ito pagtalima sa mga probisyong pangwika sa Konstitusyong 1987, bagkus pagkilala rin ito sa katunayan na ang sariling wikang pambansa, na siyang wikang nauunawaan ng nakararami, ang higit na mabisang lunan ng idea at kaisipang Pilipino.

Kinakailangan ng mga kongkretong aksiyon para sa pagsasakatuparan ng Patakarang Pangwika ng UP. . Mahalaga ang pagkakaroon ng kagamitang panturo, lalo na ng mga teksbuk sa wikang Filipino, na magagamit ng mga guro at mag-aaral. Bunsod nito, isinilang ang proyektong Aklatang Bayan para maglathala ng mga aklat sa iba’t ibang disiplina gamit ang wikang pambansa.

Kaugnay nito, itinataguyod ng Sentro ng Wikang Filipino – UP Diliman (SWF-UPD) ang Gawad Teksbuk na naglalayong paunlarin at suportahan ang pagbubuo ng mga aklat sa wikang Filipino mula sa iba’t ibang disiplina tungo sa patuloy na intelektuwalisasyon ng wikang pambansa.

Layunin

Pangkalahatang Layunin:

Makabuo ng mga batayang aklat sa iba’t ibang disiplina gamit ang wikang Filipino tungo sa pagsasakatuparan ng intelektuwalisadong Filipino sa akademya.

Mga Tiyak na Layunin:

  • Masuportahan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng pondo ang pagdevelop ng mga aklat sa wikang Filipino;
  • Mailimbag ang mga aklat na tiyak na magagamit sa pagtuturo ng mga kursong GE at medyor; at
  • Mapagyaman ang koleksiyong aklat sa wikang Filipino sa Saliksikang Filipino at ibang aklatan sa loob at labas ng UP.

Pagkakalooban ng Gawad

Maaaring mapagkalooban ng gawad ang sinumang regular, full-time na gurong may ranggong Katuwang na Propesor pataas at mananaliksik (REPS) na may ranggong Mananaliksik ng Unibersidad I pataas. Para sa panukalang panggrupo, maaaring makabilang ang may mababang posisyon na guro o mananaliksik bilang miyembro, sa kondisyon na ang pangunahing proponent ay umaayon itinakdang ranggo.

Saklaw at Halaga ng Gawad

Sa kasalukuyan, priyoridad ng SWF-UPD ang paglalathala ng mga teksbuk na magagamit sa mga kursong GE at medyor ng iba’t ibang programa. . Gayunman, maaari pa ring tumanggap ng panukala labas sa priyoridad na ito hangga’t maipaliliwanag ang gamit ng panukalang teksbuk sa pagtuturo o pagpapaunlad ng larang.

Ang kabuoang halaga ng gawad ay isang daan libong piso (PHP 100,000.00) na eklusibong nakalaan para sa proyektong teksbuk.

Ipagkakaloob ang gawad batay sa sumusunod na iskedyul sa ibaba:

  • 50% sa pagpirma ng Memorandum ng Kasunduan
  • 50% sa pagsusumite ng pinal na output ayon sa naitakdang probisyon sa pinirmahang Memorandum ng Kasunduan.

Ang bisa ng gawad at kontratang ito ay labindalawang (12) buwan mula sa paglagda ng Memorandum ng Kasunduan. Kailangang makompleto ang teksbuk nang hindi lalampas sa itinakdang panahon. Hindi obligasyon ng SWF-UPD ang pagkakaloob ng karagdagang pinansiyal na tulong sa proyekto na lalampas sa inaprobahang tagal ng proyekto.

Kahingian

  1. Sagutann ang pormularyong “Aplikasyon para sa Gawad Teksbuk” na makukuha sa opisina ng Sentro ng Wikang Filipino – UP Diliman at/o maaaring i-download sa https://sentrofilipino.upd.edu.ph.
  2. Hihilingin sa mga lalahok na magsumite ng panukala na naglalaman ng sumusunod:
    1. Paglalarawan ng proyekto (deskripsiyon ng proyekto, layunin ng proyekto, metodohiya)
    2. Pagbibigay-katwiran sa proyekto (nagawa nang pag-aaral sa paksa, tinutugunang pangangailangan, target na benepisyaryo)
    3. Tagal ng proyekto
    4. Nakikipatulungang yunit/ahensiya sa proyekto
  3. Kailangang iendoso ang panukala ng Tagapangulo ng Departamento at Dekano ng Kolehiyo.

Proseso

  1. Magkakaroon ng panawagan ang Direktor ng SWF-UPD para sa pagsusumite ng panukalasa pananaliksik. Ang takdang panahonng pagsusumite ay mulang Oktubre 20, 2023 hanggang Enero 31, 2024.
  2. Ang panukala ay susuriin at aaprobahan ng SWF-UPD.
  3. Kapag naaprobahan ang panukala, aabisuhan ang mga gagawaran sa pamamagitan ng isang liham mula sa tanggapan ng SWF-UPD. Isasagawa ang pormal na paggawad sa Abril 30, 2024.
  4. Ang (mga) proponent ay lalagda ng Memorandum ng Kasunduan na inihanda ng SWF-UPD .
  5. Ang (mga) proponent ang pangunahing magdedevelop ng nilalaman ng aklat. Samantala, tutulong ang SWF sa pag-eenkowd, pagpili ng magkikritik at mag-eedit, paghahanda ng manuskritong camera-ready hanggang sa publikasyon.

Mga Petsang Dapat Tandaan

Pagsusumite ng Panukala: Oktubre 20, 2023 – Enero 31, 2024
Pagpapahayag ng mga Gagawaran: Abril 30, 2024
Pagsusumite ng Pinal na Manuskrito: Abril 30, 2025

Ipadala ang panukala sa: Direktor
Sentro ng Wikang Filipino-UP Diliman
3/Palapag, Linangan ng Maliliit na Industriya (ISSI)
E. Jacinto St., UP Campus Diliman, Lungsod Quezon 1101
Trunkline: 8981-8500 lok. 4583/4584