Skip to main content
Unibersidad ng Pilipinas Diliman | Opisina ng Tsanselor

Gawad Saliksik-Wika

Kaligiran

Itinadhana sa Konstitusyong 1987 na ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Itinakda rin nito na dapat magsagawa ng hakbangin ang pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.

Kaugnay ng isinasaad ng Konstitusyon, binalangkas at inaprobahan sa Unibersidad ng Pilipinas ang isang Patakarang Pangwika na nagtakda na Filipino ang magiging pangunahing wika ng pagtuturo, pananaliksik, at opisyal na komunikasyon sa sistemang UP. Para ganap na maipatupad ang diwa nito, kailangang higit pang linangin ang Filipino sa pamamagitan ng pananaliksik. Kabilang sa mga larang ng pananaliksik sa wika na dapat na maisagawa ang sumusunod: saliksik sa gamit ng Filipino bilang midyum ng pagtuturo at opisyal na wika; saliksik sa wikang Filipino bilang wika ng karunungan sa iba’t ibang disiplina; gramatika at mga diksiyonaryo ng Filipino at iba pang wika sa Pilipinas; pagpapayaman ng Filipino batay sa mga wika sa Pilipinas; estandardisasyon ng Filipino; saliksik sa mga palisi at patakarang pangwika sa Pilipinas; at pagtanggap sa Filipino sa lahat ng bahagi ng Pilipinas at sektor ng lipunan. Sa pamamagitan ng pananaliksik sa mga larang na ito, inaasahang higit na mabisang magagamit ang Filipino bilang wika ng akademya.

Ang Gawad Saliksik-Wika (SWF-UPD Research Grant) ay pagbibigay ng pondo at suporta sa pananaliksik at pagpapalaganap ng resulta ng saliksik na may kinalaman sa wikang Filipino. Ang Gawad ay kompetisyon at inaasahang maipagkakaloob taon-taon. Bukas ang gawad na ito sa mga guro at mananaliksik mula sa Research Extension and Professional Staff (REPS) ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Ang saliksik ay maaaring isagawa ng indibidwal o ng grupo. Ibabatay sa panukala ng pananaliksik at sa rekord ng mga nagawa na ng proponent ang pagkakaloob ng gawad. Ang halaga ng gawad ay ibabatay naman sa panukalang Line Item Budget ng proyekto.

Ang resulta ng pananaliksik na bibigyan ng gawad ay isasapubliko sa isang forum na itataguyod ng Sentro ng Wikang Filipino-UP Diliman (SWF-UPD). May karapatan din sa unang paglalathala ng anumang produkto ng pananaliksik ang SWF-UPD.

Layunin

Pangkalahatang Layunin:

Mapalakas ang pananaliksik sa wikang Filipino ng mga guro at mananaliksik (REPS) ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman tungo sa pagpapayaman at pagpapalaganap ng wikang pambansa.

Mga Tiyak na Layunin:

  1. Masuportahan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng pondo ang pagsasagawa ng pananaliksik sa wikang Filipino;
  2. Magsagawa ng simposyum, forum, o kumperensiya sa wika para sa pagpapalaganap ng resulta ng pananaliksik;
  3. Maglathala ng mga resulta ng pananaliksik para sa mas malawak nitong diseminasyon; at
  4. Makabuo ng korpus ng pananaliksik na makatutulong sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino.

Pagkakalooban ng Gawad

Maaaring mapagkalooban ng gawad ang sinumang regular, full-time na gurong may ranggong Katuwang na Propesor pataas at  mananaliksik (REPS) na may ranggong Mananaliksik ng Unibersidad I pataas. Para sa panukalang saliksik panggrupo, maaaring makabilang ang may mababang posisyon na guro o mananaliksik bilang miyembro, sa kondisyon na ang pangunahing proponent ay umaayon itinakdang ranggo.

Saklaw at Halaga ng Gawad

Ang gawad ay pantustos sa mga gastusin sa pananaliksik kasama ang honorarium ng (mga) mananaliksik.

Ang tiyak na halaga ng gawad ay PHP 100,000 na nakadetalye sa Line Item Budget sa pormularyong isusumite ng proponent.

Ang gawad na ipagkakaloob ay ibibigay sa tatlong hati:

  • 70% pagkatapos mapirmahan at maipanotaryo ang Kasunduan;
  • 20% pagkatapos maisumite ang unang ulat (progress report) ng proyekto; at
  • 10% pagkatapos maisumite ang pinal na kopya ng pananaliksik na nakatugon at nakapasá sa rebyu ng dalawang referee.

Kahingian

Bawat proponent ay kailangang magsumite ng panukalang sa pananaliksik (nakaayon sa pormularyo), at pinakabagong curriculum vitae na may kasamang larawan.

Sa pagtatapos ng pananaliksik, hihilingin sa mananaliksik na magsumite ng kopya ng pinal na ulat. Kinakailangan itong pumasá sa pagsusuri ng dalawang referee at maibahagi sa forum na itatakda ng SWF-UPD.

Proseso

  1. Magkakaroon ng panawagan ang Direktor ng SWF-UPD para sa pagsusumite ng panukala sa pananaliksik. Ang takdang panahon ng pagsusumite ay mulang Oktubre 20, 2023 hanggang Enero 31, 2024. Maaaring ma-download ang pormularyo sa UP SWF website: http://sentrofilipino.upd.edu.ph.
  2. Magkaroon ng panel na pangungunahan ng Direktor ng SWF-UPD kasama ang dalawang (2) kinatawan mula sa ibang Departamento, isang REPS mula sa SWF-UPD, at isang kinatawan mula sa Opisina ng Tsanselor.
  3. Sinuman sa mga miyembro ng panel ay hindi puwedeng mapagkalooban ng gawad sa taon ng kanilang pagpili.
  4. Aabisuhan ang mga gagawaran sa pamamagitan ng isang liham mula sa Tanggapan ng SWF-UPD. Isasagawa ang pormal na paggawad sa Abril 30, 2024.
  5. Pipirma at ipanonotaryo ng mananaliksik ang kontrata bago maibigay ang 70% ng gawad.
  6. Sa kalagitnaan ng proyekto (6 buwan), magsusumite ng komprehensibong ulat ang mananaliksik ) upang makuha ang susunod na 20%.
  7. Isusumite sa SWF-UPD  sa Enero 2025 ang pinal na produkto ng proyekto (e-copy at hard copy) at ibibigay ito sa dalawang referee na pinili ng SWF-UPD para sa pagsusuri. Bago maibigay ang huling 10% ng gawad, kailangang maisaayos ng mananaliksik ang rekomendasyon o mungkahi ng mga tagasuri sa pinal na ulat bago isumite sa SWF-UPD kalakip ang Ulat ng Paggamit ng Pondo (Fund Utilization Report) ng naaprobahang badyet.
  8. Magdaraos ang SWF-UPD ng forum para maibahagi sa publiko ang resulta ng pananaliksik. 

Pamantayan

Bagaman may kalayaan ang proponent na magpanukala ng anumang proyekto ng pananaliksik na may kaugnayan sa wikang Filipino, binibigyang-diin ang sumusunod na dominyo ng pananaliksik:

  • saliksik sa gamit ng wikang Filipino bilang midyum ng pagtuturo at bilang opisyal na wika
  • saliksik sa wikang Filipino bilang wika ng karunungan sa iba’t ibang disiplina
  • gramatika at mga diksiyonaryo ng Filipino at iba pang wika sa Pilipinas
  • pagpapayaman ng Filipino batay sa mga wika sa Pilipinas
  • estandardisasyon ng Filipino
  • saliksik sa mga palisi at patakarang pangwika sa Pilipinas
  • pagtanggap sa Filipino sa lahat ng bahagi ng Pilipinas at sektor ng lipunan

Mga Petsang Dapat Tandaan 

Pagsusumite ng Panukala: Oktubre 20, 2023 – Enero 30, 2024
Pagpapahayag ng mga Gagawaran: Abril 30, 2024
Pagsusumite ng Pinal na Papel: Abril 30, 2025

Ipadala ang panukala sa: Direktor
Sentro ng Wikang Filipino-UP Diliman
3/Palapag, Linangan ng Maliliit na Industriya (ISSI)
E.Jacinto St., UP Campus Diliman, Lungsod Quezon 1101
Trunkline: 8981-8500 lok. 4583/4584