


Panawagan para sa Agos Tomo VIII, 2027
Huling petsa ng pagsumite ng lahok: 31 Oktubre 2026
(Bukas sa mga baguhang manunulat, nagsisimulang manunulat, propesyonal, mga guro, mga estudyante, at may interes sa malikhaing akda)
Sina Dr. Genevieve Asenjo at Kat. Prop. Maria Cecilia dela Rosa ang mga Isyu Editor.
Tungo sa Ugnayang Arkipelago: Panawagan sa mga Malikhaing Akda mula sa mga Wika ng Pilipinas
Sa nakalipas na mga dekada, umusbong ang arkipelagong kamalayan bilang napapanahong balangkas sa muling pag-unawa sa mga kultura, kasaysayan, wika, at panitikan lampas sa mga hangganan ng kontinental, makabansa, at linyar na paraan ng pag-iisip. Mula sa “poetics of relation” (1990) ni Édouard Glissant, “our sea of islands” (1994) ni Epeli Hau’ofa, “tidalectics” (2007) ni Elizabeth DeLoughrey, hanggang sa yumayamang ambag at pag-aakda ng ating mga iskolar at manunulat tulad nina Merlie Alunan, Eli Guieb III, Alvin Yapan, Januar Yap, at Sigrid Gayangos,may dinamikong lunan at panahon ang ating mga buhay-isla. Matingkad ang ugnayan, paggalaw, pagtatagpo, paggunita, at paglikha ng mga posibilidad —sa loob at labas ng mga bagyo at tagtuyot, tunggalian, paglusob, opresyon, korapsiyon, kahirapan, at araw-araw na kalupitan ng buhay. Kasama rito ang marami pang nilalang tulad ng mga hayop at halaman sa magkakapareho at natatangi ang danas ng klima, kasaysayan at kasalukuyan.
Sa arkipelagong kamalayan, tumitingkad ang ating tuon sa larangan ng wika, panitikan, pagsasalin, pagtuturo, at malikhaing pagsulat sa pananahan at pag-imbestiga sa mundo mula sa pananaw ng mga baybayin, pulo, pamayanan, at ekolohiya na magkakaugnay, kahit magkakahiwalay, at nagsusumikap na maging sapat. Tapos na ang mga dantaong pananakop upang lukubin ang kamalayan at paghiwalayin ang mga kultura at wika ng ating bayan, kailangang kilalanin at yakapin na pinag-uugnay tayo ng mga tubig at pulo, na mayroon tayong magkakatulad at magkakaibang karanasan na uuwi at uuwi pa rin sa iisa at pinagbibigkis na kasaysayan. Naghahanap ang Agos ng mga malikhaing akda mula sa mga wika ng arkipelagong ito na may salin sa Filipino at nagsusulong ng ugnayan ng mga pulo ng Pilipinas.
Mga Posibleng Paksa at Tema
Wika, Pagsasalin, At Ugnayang Arkipelago
● Multilingguwalismo at mga ugnayan ng mga wika sa kapuluan
● Pagsasalin bilang pagtawid, pakikipag-ugnayan, at paglikha ng bagong daigdig
● Mga katutubong wika, rehiyonal na wika, at pangangalaga sa mga ito
● Wika, migrasyon, diaspora, at transnasyonal na pamayanan
● Oralidad, kuwentong-bayan, epiko, at iba pang tradisyong pasalita
Panitikan at Kultura ng Kapuluan
● Mga imahinasyon ng pulo, ilog, baybayin, bundok, dagat
● Panitikan ng gunita, trauma, paglisan, pagbabalik, pag-aangkin ng lugar, at pagbangon
● Panitikan ng paggawa, pangingisda, agrikultura
● Pagmimina, quarrying, reklamasyon, enerhiya, at iba pang anyo ng ekstraktibong industriya sa kapuluan
● Kuwento ng mga kalsada, tulay, urbanisasyon, at imprastraktura ng teknolohiya at kapangyarihan
● Pagkawasak ng kabundukan, kagubatan, ilog, baybayin
● Paglalakbay, paglipat-lipat, impermanensya at liminalidad
Nais naming makabasa ng panitikan ng arkipelago na nagbibigkis, lumalaban at hindi
talunan sa kabila ng kasaysayan ng kolonyalismo at neokolonyalismo.
Iba pang detalye:
Tumatanggap ng mga akda sa lahat ng uri ng panitikan, kabilang ang:
● Tula – Liriko, spoken word, o tulang nagsasalaysay.
● isang (1) koleksiyon na may limang (5) tula
● Piksiyon – Maikling kuwento, dagli, o bahagi ng nobela.
● isang (1) maikling kuwento, (maaaring 10-20 pahina) o tatlong (3) dagli
● Sanaysay at Malikhaing Di-piksiyon – Personal na salaysay, makatang ulat, o mapagnilay na akda.
● isang (1) sanaysay, (maaaring 10-20 pahina)
● Dula – Isang-eksena o maiikling dula.
● isang (1) dulang may isang yugto)
● Panitikang Pambata at Kabataan (YA) – Mga kuwentong tumatapok sa arkipelago sa kalibutan ng bata.
● isang (1) maikling kuwentong pambata, (maaaring 5-10 pahina)
● Eksperimental at Hybrid na Akda – Biswal na tula, “found texts,” metafiksiyon, panitikang lumalabag sa tradisyunal na anyo
● isang (1) eksperimental o hybrid na akda.
● Salin – Mga salin mula sa ibang wika na tumatalakay sa paksa, kalakip ang tala ng tagasalin.
Isumite ang lahok gamit ang alinman sa sumusunod na mga wika:
● Tagalog Barayti
● Ilokano
● Binisaya (Cebuano)
● Kapampangan
● Hiligaynon
● Bikol (Bikolano)
● Waray
● Pangasinense
● Kinaray-a
● Aklanon
Lahat ng wika ay kailangang may salin sa Filipino.
Paalala:
Sa 31 Oktubre 2026 ang huling petsa ng pagsumite ng mga lahok.
1. Para sa mga akda liban sa tula, inaasahan na naka-encode o kompyuterisado, doble-espasyo, at gumagamit ng font na Times New Roman na may laking 12 puntos at maglagay ng maikling sinopsis na binubuo ng hindi lalampas sa 300 salita o maaring maglagay ng susing salita.
2. Maaaring lakipan ng biswal na materyal (may kulay o black and white) gaya ng orihinal na larawan, ilustrasyon, graph, matrix, mapa, at iba pa. Tungkulin ng awtor na kumuha ng permiso sa anumang materyal na may karapatang-ari.
3. Maglakip din ng maikling tala sa sarili (Bionote) na naglalaman ng kasalukuyang akademikong posisyon, digri, kinabibilangang larang, espesyalisasyon, pinakabagong publikasyon, pananaliksik at iba pang mahahalagang impormasyon.
4. Ang akda /mga akda ay hindi dapat naglalaman ng pangalan o anumang pagkakakilanlan gaya ng institusyon at kontak na numero sa halip ay sa pormularyo lamang ang mga ito makikita.
Mga inaasahang isusumite:
● Agos Journal Pormularyo ng Awtor (PDF): Apelyido_Pangalan_Pormularyo (Kunin ang pormularyo rito: Agos-Journal-Pormularyo-ng-Awtor.pdf
Halimbawa: Sabangan_Lari_Pormularyo
● Bionote (docx): Apelyido_Pangalan_Bionote
Halimbawa: Sabangan_Lari_Bionote
● Akda na nasa docx at PDF (Walang pagkakakilanlan): Genre_Pamagat ng Akda (Kung mahaba ang pamagat ng akda, ilagay lamang ang una hanggang ikatlong salita.
Halimbawa: Maikling Kuwento_Sentro ng Buhay
Ipasa ang lahok na akda sa email na ito: agos.swf.upd@up.edu.ph at ilagay sa subject line ang Apelyido_Agos VIII_2027
Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan kay G. Lari Sabangan sa email ng Agos (agos.swf.upd@up.edu.ph). Maaari ding bumisita sa Sentro ng Wikang Filipino UP-Diliman, Gusali ng ISSI, Virata Hall, Kalye E. Jacinto, UP Diliman, Lungsod Quezon.