Skip to main content
Unibersidad ng Pilipinas Diliman | Opisina ng Tsanselor

Panawagan ng AB Online

PANAWAGAN PARA SA MANUSKRITO 

NG PUBLIKASYONG AKLATANG BAYAN ONLINE

10 Oktubre – 15 Disyembre 2026

Mga Iskolar ng Bayan!

Ito na ang pagkakataon ninyo upang isumite ang manuskrito sa Filipino mula sa larang na inyong kinabibilangan. Bukás ang panawagan na ito para sa mga guro at mananaliksik ng UP Diliman. 

Sama-sama nating isulong ang Wikang Filipino bilang intelektuwalisadong wika ng edukasyon at pananaliksik.

#PadayonWikangFilipino

  1. Tungkol sa AB Online 2027

Ibinubukas ng Aklatang Bayan Online ang pagsusumite ng mga hindi pa nalalathalang mga sangguniang aklat, pananaliksik, pag-aaral, modyul, manwal, o iskolarling materyales na nasusulat sa wikang Filipino. Dalawang manuskrito ang pipiliin para ilimbag sa taon 2027. Hinihikayat ang pagsusumite ng mga manuskrito sa larang na Agham Pangkompiyuter at Impormasyon, Relihiyon, Pilosopiya,  Sikolohiya, Agham at Matematika, Teknolohiya, Kasaysayan,  Heograpiya, Agham Panlipunan, Sining at Libangan, Panitikan, Malikhaing Pagsulat, Media at Komunikasyon, Arkitektura, Pagsasalin, at iba pa.

Publikasyong dihital ang AB Online sa ilalim ng proyektong Aklatang Bayan ng SWF-UPD, na nainstitusyonalisa taon 2019. Naglalayon itong magbigay ng online, downloadable, at libreng akses ng aklat, sa anyong e-book, mula sa iba’t ibang disiplina. Pagsusulong ito sa Wikang Filipino bilang intelektuwalisadong wika ng pagtuturo, pananaliksik, malikhaing produksiyon, at serbisyo publiko.

  1. Kalipikasyon, Kahingian, at Rekisitong Dokumento
  • Bukás ang panawagan ng AB Online 2027 para sa mga propesor, mananaliksik, at miyembro ng Komite sa Wika ng Iba’t Ibang Kolehiyo ng UP Diliman.
  • Bibigyang-prioridad ng proyekto ang sumusunod na isusumiteng manuskrito:
    1. Teksbuk (min. 250 pp.)
    2. Modyul Panturo-Pagkatuto (min. 150 pp.)
    3. Diksiyonaryo
    4. Glosari
  • Ihanda ang sumusunod na rekisitong dokumento
    1. Manuskrito 
    2. Liham Pagsusumite na may liham pamuhatan na: 

Will P. Ortiz, PhD

Direktor, Sentro ng Wikang Filipino

UP Diliman

  1. Nilagdaang Pormularyo ng Deklarasyon ng Pagsusumite ng Awtor
  2. Bionote at Larawan ng Awtor
  3. High Resolution Images (kung mayroon man)
  4. Mga Permiso (kung naaangkop)
  1. Proseso ng Pagsusumite
  • Isumite ang mga rekisitong dokumento sa ABO: Pormularyo ng Isinumiteng mga Rekisito at Dokumento. 
  • Daraan ang mga isinumiteng manuskrito sa sumusunod:
    1. Desk Review at SWF-UPD Editorial Board Review
    2. Double-Blind Peer Review
  • Para sa iba pang katanungan at paglilinaw, maaaring magpadala ng email sa: 

Email Address: aklatangbayan.swf.upd@up.edu.ph. 

Email Subject: Katanungan sa ABO 2027

  • Huling araw ng pagsusumite: 15 Disyembre 2026.