Surigaonon ang wikang sinasalita ng mga grupong Surigawnón sa mga lalawigan ng Surigao del Norte at Surigao del Sur; Isla ng Dinagat; at sa mga bayan ng Kitcharo at Jabonga sa lalawigan ng Agusan del Norte.
Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (n.d.), nananatiling aktibong wika ang Surigaonon sa rehiyon, subalit may mga pagbabago na ring naitatala sa anyo at gamit nito. Sa pananaliksik ni Penera (2021), lumilitaw na dumaraan ang Surigaonon sa mga morpolohikal na proseso gaya ng panghihiram ng salita, pagdaragdag ng panlapi, at pagbabawas ng mga titik. Ang ganitong mga pagbabago ay bunga ng intermarriages, edukasyon, trabaho, at turismo, na nagtutulak sa mga tagapagsalita na makipag-ugnayan at umangkop sa iba’t ibang wikang malapit sa kanila gaya ng Cebuano, Boholano, Leyteno, Tagalog, at Ingles (Penera, 2021; Bayang et al., 2025).
Sa isang pagsusuri nina Bayang et al. (2025), natuklasan na 30% ng mga Surigawnón ang hindi na gumagamit ng ilang katutubong salita tulad ng nautas, baju, pyangga, mayaas, dimudo, at andjaanay, upang mas madaling makipag-usap sa mga nagsasalita ng Boholano at Leyteno. Dahil dito, bumababa ang antas ng paggamit sa wikang Surigaonon, at kung hindi ito mapagtitibay sa mga kabataan, maaaring humantong ito sa unti-unting pagkawala. Bagaman itinuturing pa rin itong “ligtas” sa kasalukuyan ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (n.d.), mahalagang mabigyang-pansin ang mga pagbabagong ito upang maisulong ang mas malawak na paggamit, pag-aaral, at pagpapasa ng Surigaonon sa mga susunod na henerasyon.
Ayon sa pag-aaral ni Penera (2021), dumaraan sa ilang morpolohikal na proseso ang wikang Surigaonon—kabilang dito ang panghihiram, pagdaragdag ng panlapi, at pagbabawas ng mga titik. Ang mga pagbabagong ito ay hindi maaaring ihiwalay sa epekto ng pakikipag-ugnayan sa ibang wika gaya ng Cebuano, Boholano, Leyteno, Tagalog, at Ingles. Kabilang sa mga salik na nagtutulak sa pagbabagong ito ay ang paglaganap ng intermarriages, paglipat ng tirahan, pagtatrabaho sa kalunsuran, at pagdagsa ng mga turista (Penera, 2021; Bayang et al., 2025).
Bagaman itinuturing pa rin itong ligtas ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (n.d.), mahalaga pa ring mabigyang-pansin ang mga pagbabagong ito. Sa pamamagitan ng mga inisyatibo sa dokumentasyon, edukasyon, at lokal na media, maaaring mapanatili ang kasiglahan ng Surigaonon bilang buhay na wika at daluyan ng kultura sa rehiyon ng Caraga.
Bayang, E. E., M. C. Lloren, and D. M. A. Ciruela. “A Sociolinguistic Analysis of the Surigaonon Language: Demographics, Usage, and Linguistic Patterns for Preservation Strategies in Surigao del Norte.” Journal of Information Systems Engineering & Management, vol. 10, no. 17s, 2025, pp. 61–76. https://doi.org/10.52783/jisem.v10i17s.2707.
Komisyon ng Wikang Filipino. “Surigawnón – KWF Repositoryo.” Komisyon ng Wikang Filipino, n.d., kwfwikaatkultura.ph/surigawnon-2/.
Penera, L. K. B. “Morphosyntax Variations of the Surigaonon Language in North-eastern, Mindanao, Philippines.” TESOL International Journal, vol. 16, no. 2, 2021, pp. 122–47. https://files.eric.ed.gov/fulltext/EJ1329702.pdf.