Skip to main content
Unibersidad ng Pilipinas Diliman | Opisina ng Tsanselor

Sa Madaling Salita

  • Awtor: 

    Rommel B. Rodriguez, Choy S. Pangilinan

  • Taon: 2019
  • ISBN: 

    ISBN 978-621-8196-30-8

Ang proyektong ito’y hindi lamang nakatuon sa pagtipon ng panayam. Higit pa layunin nitong magsagawa ng dokumentasyon sa alaala, pananaw, karanasan, idea’t saloobin ng mga guro’t mag-aaral na naging saksi sa pagsisimula, pagbuo, praktika, pagsulong, at patuloy na pag-unlad ng wikang Filipino sa loob at labas ng Unibersidad. Sa mga panayam natukoy ang kritikal na ambag ng wikang Filipino sa pagpapataas ng kalidad ng ating sistema ng edukasyon, antas ng kamalayan ng guro, mag-aaral at mamamayan sa pangkalahatan. Hindi maitatanggi na nananatiling hamon ang paggamit sa sariling wika sa pag-aaral, pagtuturo, at pananaliksik sa loob at labas ng Unibersidad. Habang nananatili ang pangangailangan sa pagbuo at pagsulong ng mga kilusang masa, tulad ng nangyari sa mga naunang dekada upang patatagin ang wikang Filipino bilang wikang pambansa na may layuning pag-isahin ang bansa. Gayumpaman, bagaman may kani-kaniyang posisyon ang mga akademiko hinggil sa usaping pangwika, sa pamamagitan ng pagtipon ng mga panayam na ito, naging tulay ang diskusyon hinggil sa wikang Filipino upang tumungo at magtuon sa usapin sa ambag nito sa ating pambansang pagkakaisa at pagkakakilanlan. Sa mga panayam nabuo ang mga patunay na daluyan ang wikang Filipino upang maimapa ang tunguhin ng bansa.

MGA EDITOR:
Si ROMMEL B. RODRIGUEZ ay kasalukuyang guro ng panitikan at malikhaing pagsulat sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas. Awtor siya ng mga librong Lagalag ng Paglaya (2011) at Mga Apoy sa Ilaya (2018) na kapwa inilathala ng UP Press. Samantala ang kanyang koleksyon ng mga dagli na Maikling Walang Hanggan ay inilathala naman ng UST Publishing House nitong 2019. Bukod sa pagsusulat, siya rin ay aktibong tagapagsulong ng karapatang pantao sa bansa, partikular ng mga bilanggong pulitikal sa Pilipinas. Naging exchange research fellow siya sa University of Shizuoka, Japan noong 2015 at dating direktor ng UP Sentro ng Wikang Filipino. Nitong 2020 ginawaran siya ng Gawad Tsanselor para sa Natatanging Mananaliksik sa Filipino. Aktibong miyembro siya ng Alliance of Concerned Teachers-Philippines at All UP Academic Employees Union.

Si CARLO GABRIEL “CHOY” PANGILINAN, propesor ng UP film Institute sa Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla,Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Nagtuturo siya ng World Cinema, Kasaysayan ng Pelikulang Pilipino, Pelikula bilang Sining at produktong Kultural, Sine Pinoy, at Introduksiyon sa Pelikula at Pagsulat ng Iskrip. Nagtapos siya ng Bachelor of Arts in Philippine Studies sa Unibersidad ng Pilipinas–Diliman. Kasamang editor ng Communications in Media Theories (University of the Philippines Press, 2014). Naglathala ng kaniyang mga kritikal na sanaysay sa Plaridel: Journal for Communication and Media, Philippine Humanities Review, Kontra Gahum, Academics Against Political Killings, Serve the People, Radical na Kasaysayan ng Unibersidad ng Pilipinas, ArtPh, at Transfiksyon: Mga Kathang In-transit. Nakagawa na rin siya ng mga dokumentaryo para sa QCINEMA, Sentro ng Wikang Filipino–UP Diliman, at para sa iba pang mga progresibong institusyon. Kasalukuyang miyembro ng Film Desk of the Young Critics Circle at ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND). Nagdirihe ng ilang mga pelikula kabilang ang Tanabata’s Wife at ang dokumentaryong Bingat.

Sa Madaling Salita