-
Pilosopiya ng Patakaran sa Wika ng Unibersidad
Bakit kailangan natin ang isang patakaran sa wika sa UP?
-
Itinakda ng ating Konstitusyon na:
Ang pambansang wika ng Pilipinas ay Filipino. Habang ito’y nabubuo, patuloy itong pauunlarin at payayamanin batay sa mga umiiral na wika sa Pilipinas at iba pang wika.(Art. XIV, sek. 6).
Sinasabi rin ng seksiyong ito na:
Alinsunod sa mga probisyon ng batas at kung mamarapatin ng Kongreso, gagawa ng hakbang ang Gobyerno upang simulan at itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang wika ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistema sa edukasyon.
Sinasabi rin ng Art. XIV, sek. 7, na:
Para sa komunikasyon at pagtuturo, ang mga opisyal na wika ng Pilipinas ay Filipino at, hangga’t walang ibang itinatakda ang batas, Ingles.**
-
Ang Pilipinas ay hindi lamang isang bansa at ang mga Filipino ay hindi lamang isang nasyonal na komunidad. Iyan ang ating sosyal at politikal na realidad. Ngunit sa diwa at sa kultura batay sa ating historikal na karanasan, tayo ay isang natatanging sibilisasyon ng magkakaibang lokal at rehiyonal na kultura; isang sibilisasyong hinubog ng ating mga sariling katutubong tradisyon, at ng mga impluwensiya mula sa Asya at sa Kanluran.
-
Kailangan natin ang isang nasyonal na wika bilang lingguwa frangka ng mga kultura at sibilisasyong Filipino. Nakapaloob sa wikang ito ang ating pamanang espiritwal at kultural bilang isang nasyonal na komunidad para padaliin ang komunikasyon sa lahat ng mamamayan, palakasin ang ating pagkakaisa bilang isang bansa, at itaguyod ang pagkapantay-pantay sa ating lipunan.
Kasabay nito, kailangan din nating linangin at pasiglahin ang ating mga lokal at rehiyonal nakultura at wika, sapagkat ang mga ito ang tunay na pinagmulan o bukal na magpapayaman at magpapalakas sa sibilisasyong Filipino.
Sapagkat nabubuhay tayo sa isang global village na nagiging maunlad ang lahat ng mga bansa sa pamamagitan ng pagtutulungan sa isa’t isa sa pagkakaroon ng kalinaw (kapayapaan) at respetuhan. Kailangan din nating linangin ang isang internasyonal na wika na magagamit natin sa aktibo at mabungang paglahok sa pamilyang mga bansa.
-
Sa kabuuan, kailangang manatili tayong mga Filipino na multilingguwal tulad ng maraming bansa sa daigdig. Mas mainam kung matutuhan ng bawat Filipino ang nasyonal na wika at isang global na wika bukod pa sa katutubong wika na kaniyang kinagisnan.
-
-
Filipino Bilang Nasyonal na Wika
-
Mangunguna ang Unibersidad sa pagtulong sa pagbuo ng nasyonal na wikang Filipino, ang wika ng ating sibilisasyon.
-
Isang realidad at isang ideal ang Filipino.
-
Bilang isang reyalidad, Filipino ang nasyonal na lingguwa frangka: ang wikang nabuo sa interaksiyon ng mga Filipinong gumagamit ng iba’t ibang katutubong wika ng Pilipinas.
Repleksiyon ng ating magkakaibang katutubong kultura at ng mayaman nating historikal na karanasan bilang isang lahi ang nasyonal na lingguwa frangkang ito.
-
Bilang isang ideal, dinamikong nabubuo ang Filipino bilang ekspresyon ng pambansang kaluluwa.
Isang proseso ang ebolusyong ito ng pagpayaman mula sa mga wika ng Pilipinas at mga dayuhang wika. Kaya higit pang nagiging tunay na ekspresyon ng ating isip at damdamin bilang isang nasyonal na komunidad na may respeto sa mga pagkakaiba at may pagmamahal sa pagkakaisa ang wikang Filipino.
-
-
Filipino ang magiging midyum ng pagtuturo sa Unibersidad sa andergradweyt na lebel sa loob ng isang rasonableng panahon ng transisyon.
Maituturo na ang mga gradweyt na kurso sa Filipino kahit sa panahon ng transisyon.
Ang bawat yunit sa Unibersidad ang magdedesisyon ng haba ng kanilang panahon ng transisyon.
Sa panahong ito ng transisyon:
-
Rerebyuhin nang regular ng bawat Unibersidad sa sistema ang progreso ng Filipino sa kampus.
-
Magiging boluntaryo ang pagtuturo sa Filipino. Magbibigay ng mga insentibo at award para sa ginawang mga teksbuk, materyal sa instruksiyon, pantulong sa pagtuturo, atbp.
-
Pasisiglahin at palalaganapin ang paggamit ng Filipino sa reserts, gawaing ekstensiyon at bilang wika ng opisyal na komunikasyon.
-
Pasisimulan ng bawat Unibersidad sa Sistemang UP ang mga intensibo sa kurso sa Filipino para sa mga estudyanteng dayuhan at para sa lahat ng interesado.
-
Magkakaroon sa bawat Unibersidad sa Sistemang UP ng mga rasonableng bilang ng seksiyon sa Ingles sa mga kursong andergradweyt batay sa pangailangan at bilang opsiyon para sa wala pang sapat na kahandaan para sa Filipino sa panahon ng transisyon.
-
Pasisiglahin at susuportahan ang paggawa ng mga teksbuk at bilang mga materyales pang-instruksiyon. Kasama rito ang mga diksiyonaryo, listahan ng mga terminong teknikal, gramar at babasahin.
-
Pasisiglahin ang reserts sa Filipino at iba pang mga wika sa Pilipinas.
-
Pasisiglahin at susuportahan ang isang malakas na programa sa pagsasalin.
-
Hihikayatin, susuportahan, at gagantimpalaan ang mga malikhaing manunulat sa Filipino at ibang wika sa Pilipinas.
-
Sa pangkalahatan, gagawin ang lahat ng epektibong hakbang para matiyak ang matagumpay na ebolusyon ng Filipino.
-
-
Sa tunguhing ito ng ebolusyon ng Filipino lalong-lalo na sa panahon ng transisyon:
-
Pangungunahan ng Departamento ng Filipino (o katumbas na akademikong yunit) sa bawat Unibersidad ang pagturo ng wika, reserts, serbisyong ekstensiyon na susuportahan naman at tutulungan ng mga kolehiyo o yunit tulad ng Edukasyon at Linggwistiks.
-
Magtatayo ng isang Sentro ng Wikang Filipino na susuporta sa mga aktibidades ng mga iskolar sa Filipino at ibang wika sa Pilipinas.
-
Susuportahan ng Unibersidad ang isang programa sa malikhaing pagsulat sa Filipino sapagkat magiging kasinlakas lamang ang wikang nasyonal sa literaturang nasyonal nito..
-
Gagawin ng Unibersidad ang lahat para hikayatin ang gobyernong nasyonal na puspusang ipatupad ang isang nasyonal na patakaranng pangwika ayon sa utos ng Konstitusyon. Makikipagtulungan at makikipagkoordina ang UP sa gobyernong nasyonal, DepEd, professional regulatory boards, ibang institusyong edukasyonal, atbp. sa pagpaunlad at paggamit ng Filipino.
-
-
-
Ang mga Rehiyonal Nating Wika Bilang Bukal ng Filipino
-
Kasing-yaman lamang ng kaisahan ng ating pinagsama-samang lokal at rehiyonal na kultura ang sibilisasyong Filipino.
-
Mabubuo lamang ang Filipino kung mapayayaman ito ng ating mga lokal at rehiyonal na wika at ng mga dayuhang wikang tulad ng Espanyol at Ingles.
-
Para mapayabong ang Filipino bilang ating wikang nasyonal:
-
Itataguyod ng Unibersidad ang pagtuturo ng mga wikang rehiyonal sa Pilipinas: Tagalog, Sugbuanon, Ilokano, Hiligaynon, Bikolano, Samar-Leyte (Waray), Kapampangan, Pangasinense, Maranao, Maguindanao, Tausug, Kinaray-a, atbp.
-
Pasisiglahin at susuportahan nito ang reserts sa mga lokal at rehiyonal na kultura, wika, at literatura.
-
Pasisiglahin at susuportahan nito ang ating mga literaturang rehiyonal sa Tagalog, Sugbuanon, Ilokano, Hiligaynon, Bikolano, atbp.
-
Tungo rito, itatayo ang mga sentro sa araling rehiyonal. Katunayan, mayroon nang Western Visayan Studies Center sa UPV, Cordillera Studies sa UP Baguio; Southern Tagalog Studies Program sa UP LB at Manila Studies Program sa UP Manila.
-
Dapat ding pasiglahin at suportahan ng Gobyernong nasyonal ang mga sentrong ganito sa buong bansa.
-
-
-
Ingles Bilang Ating Pandaigdig na Lingguwa Frangka
-
Dahil Ingles ang pangunahing lingguwa frangka ng daigdig, panatilihin ito bilang pangunahing internasyonal na wika sa Unibersidad.
-
Ingles ang pangunahing midyum ng Unibersidad sa paglahok sa gawaing intelektuwal ng daigdig.
-
Paraan ito upang makasabay sa lahat ng pagsulong ng kaalaman sa daigdig, at aktibong makalahok sa diskusyon ng mga iskolar sa mundo ang Unibersidad — ang mga titser at estudyante nito.
-
Ito ang paraan upang maipaabot sa daigdig ang reserts ng Unibersidad, nang sa gayon makinabang din ito sa kritikal na analisis ng mga iskolar sa labas ng bansa.
-
-
Sa tunguhing ito, ang kahusayan sa isang global na lingguwa frangka:
-
Pasisiglahin at susuportahan ang Departamento ng Ingles (o katumbas na akademikong yunit) sa bawat Unibersidad sa sistema ang pagpapanatili ng Ingles sa mataas na lebel ng kahusayan bilang midyum ng instruksiyon sa lahat ng mga kursong Ingles at bilang midyum ng reserts at komunikasyon.
-
Magkakaroon ang Departamento ng Komunikasiyong Pasalita (o katumbas na yunit) ng mga kurso sa Ingles at Filipino para pagpilian ng mga estudyante.
-
Ituturo sa Ingles ang mga gradweyt na kurso sa Unibersidad.
-
Tulad ng alinmang Unibersidad, kailangang ipagpatuloy din ng UP ang pagturo at pagdebelop ng kakayahan nito sa lahat ng ibang wika ng Asya at ng buong mundo: wikang Tsino, Hapon, Bahasa, atbp; Espanyol, Pranses, Aleman, Ruso, abtp.
-
-
Talang Pangkasaysayan
Itinatadhana ng Saligang Batas ng Commonwealth noong 1935 (Art. XIV, sek. 3) na:
Gagawa ng mga hakbang ang Kongreso para sa pagpapaunlad at pagkakaroon ng isang panlahatang pambansang wika batay sa isa sa mga katutubongwika.
Nilikha ng Batas Commonwealth Blg. 184 (1936; sinusugan 1938) Ang Suria ng Wikang Pambansa (Institute of Natioanl Language). Kinilala ng pag-aaral ng Surian ang Tagalog bilang batayan ng paglago ng isang pambansang wika, na nang lumaon ay nakilalang Pilipino.
Itinadhana ng Batas Commonwealth Blg. 579 na:
Sek. 1. Ang wikang pambansang Pilipino ay inihahayag na isa sa mga opisyal na wika sa Pilipinas, mula sa ikaapat ng Hulyo 1946.
Itinatadhana ng Saligang Batas ng 1973 na:
Sek. 3. (1) Ang Saligang Batas na ito ay opisyal na ipahahayag sa Ingles at Pilipino… Kung magkakasalungatan, mamamayani ang sinulat sa Ingles.
(2) Ang Pambansang Kapulungan ay gagawa ng mga hakbang sa pagpapaunlad at pormal na pagkakaroon ng isang pangkalahatang wika na tatawaging Filipino.
(3) maliban sa kung pasubalian ng batas, ang Ingles at Pilipino ang siyang magiging mga opisyal na wika.