
IBALÓY BIKOLÍKOL
Ibalóy ang tawag sa katutubong wika ng pangkating Ibalóy, isa sa mga pangunahing grupong etnolingguwistiko na matatagpuan sa lalawigan ng Benguet sa rehiyon ng Cordillera. Matatagpuan ang malaking bahagi ng populasyong Ibalóy sa timog-silangang bahagi ng nasabing lalawigan, lalo na sa mga bayan ng Kabayan, Bokod, Sablan, Tublay, La Trinidad, Tuba, at Itogon, gayundin sa katimugang bahagi ng Kapangan at sa ilang bahagi ng Atok. Sa iba’t ibang salinlahi at konteksto, tinatawag din ang pangkat na ito sa mga alternatibong pangalan tulad ng Ibadóy, Inibalóy, Benguet-Igorot, at Igodór, na nagpapahiwatig ng pagkakaiba-iba ng pagtukoy sa kanila batay sa heograpiya at kasaysayan ng rehiyon.
Bagamat buong wikang may sariling bokabularyo at gramatika, walang naisulat na tala ng Ibaloy sapagkat oral o pasalita ang pangunahing tradisyon ng rehiyon. Dahil rito, kakakitaan ng makulay na oral na tradisyon ang mga Ibaloy lalo na sa kanilang mga awit o Ba-diw kung tawagin, Budikay o bugtong, mga ritwal at seremonya (Cuilan, 2023). May malalim na paniniwala sa mga diyos ang mga Ibaloy na kung kanilang tawagin ay Kabunyan at mga espiritu ng kapaligiran tulad ng amdag (sa hangin at himpapawid), ampasit (sa mga kweba), at pinad-e ng (sa kagubatan) at sila ay nagiging tampok sa nilalaman ng kanilang mga ritwal (Clark, 2021). Malaking hamon sa wikang Ibaloy and pagbaba ng dami ng mga gumagamit nito dahil kaunti na lamang din ang nagpapasa nito sa bagong henerasyon. Maituturing na itong endangered sapagkat karamihan din sa mga naninirahan sa probinsya ay nagsimula nang mas gamitin ang wikang Ingles, Tagalog at iba pang mga wika (Anton, 2010).
Sa kasalukuyan, kadalasang kasabay ng iba pang mga wika ang paggamit ng wikang Ibalóy.. Bilang bahagi ng isang multilingual na lipunan, malawakang ginagamit ng mga Ibalóy ang Ilokáno bilang lingua franca o tulay na wika sa ugnayan sa mga karatig-pangkat at komunidad. Kalakip nito, ginagamit din ang Filipino at Inglés sa mga pormal na domeyn gaya ng edukasyon, pamahalaan, at midya. Kadalasang nakukuha ang kaalaman sa Filipino at Ingles sa pamamagitan ng pormal na edukasyon at sa patuloy na eksposyur sa telebisyon, radyo, internet, at iba pang midya, na siyang unti-unting nakakaapekto sa katayuan ng mga katutubong wika sa rehiyon.Hindi lamang kasangkapan ng komunikasyon ang wikang Ibaloy kundi sisidlan ng kasaysayan, karunungan, at pagkakakilanlan ng sinaunang pamayanan sa kabundukan ng Cordillera. Nangangahulugan ng pagpapanatili sa mayamang pamana ng ating mga katutubong kapatid ang pangangalaga sa wikang ito.
Sanggunian:
Anton, S. O. A Handy Guidebook to the Ibaloi Language. Tebtebba Foundation, 2010.
Clark, J. “Ibaloy Spirits, Rituals, Tattoos, Mummification, and the Mambunong (Shaman).” The Aswang Project, 12 Sept. 2021, www.aswangproject.com/ibaloy-spirits-tattoos-shaman/.
Cuilan, J. T. “Contemporary Ibaloi Ba’diw: Defining Conventions through Formalistic and Sociolinguistic Standpoints.” Journal of Language and Cultural Education, vol. 11, no. 3, 2023, pp. 39–45. https://doi.org/10.2478/jolace-2023-0025.”KWF Listahan ng mga Wika ng Pilipinas I.” Komisyon sa Wikang Filipino, kwfwikaatkultura.ph/listahan-ng-mga-wika-ng-pilipinas-i/. Accessed 29 Sept. 2025.
TAUSUG O BAHASA SUG
Wikang katutubo ang Tausug o Bahasa Sug na sinasalita ng mga Tausug na sinasabing “Mga Tao ng Agos” o tinuturing na “People of the Current” na naninirahan sa lalawigan ng Sulu at Tawi-tawi. Tinatayang humigit limampung porsiyento ng populasyon ng Sulu ang gumagamit ng wikang Tausug na kinikilala bilang pangunahing wika. Samanatala, karamihan pa rin sa mamamayan ng Sulu ay ginagamit ang wikang Filipino at Ingles sa mga paaralan.
Nagmula ang salitang Tausug sa katagang “tau” na nangangahulang tao at “Suug” na sinaunang pangalan naman ng isla sa Jolo. Mahigit sa 900,000 katao ang populasyon ng mga Tausug na naninirahan sa rehiyon ng Pilipinas.
Kinikilala ang wikang Tausug bilang Lingua Franca sa arkipelago ng Sulu. Makikita ang pagkakahawig nito sa bokabularyo ng wikang Surigaonon, Sugbuanon (Cebuano), Bicolano at iba pang katutubong wika sa Pilipinas. Kapansin-pansin din ang impluwensiya ng wikang Malay at Arabe na matatagpuan sa wikang Tausug.
Mula sa sinasabing mga tao ng agos hanggang sa wikang katutubong agos ng kasaysayan, wikang maipagkakapuri, ang Tausug!
Mga Sanggunian:
Bangahan, B. S. English-Bahasa Sūg Dictionary. Vibal Publishing House, 2015.
Gordon, Raymond G., Jr., editor. Ethnologue: Languages of the World. 15th ed., SIL International, 2005. Ethnologue, www.ethnologue.com/.
Komisyon sa Wikang Filipino. “Bahása Sug.” KWF Wika at Kultura, 5 Dec. 2023, kwfwikaatkultura.ph/bahasa-sug/.
Soderberg, Craig, Sarah A. Ashley, and Kenneth S. Olson. “Tausug (Suluk).” Journal of the International Phonetic Association, vol. 42, no. 3, 2012, pp. 361–64. https://doi.org/10.1017/S0025100312000230.
Velasco, Faye. “Tausug by Faye Velasco.” Sulu Online Library, 19 Nov. 2011, suluonlinelibrary.wordpress.com/2009/05/15/tausug-by-faye-velasco/.
MERANAW o MARANAO
Ang wikang Meranaw o mas higit na kilala sa tawag na Maranao ay wika ng katutubo na naninirahan sa lalawigan ng Lanao del Sur, partikular sa siyudad ng Marawi na tinaguriang “Islamic City of the Philippines” dahil sa mataas na porsiyento ng mga Muslim na naninirahan dito.
Ipinagpapalagay na nagmula sa pangkat ng mga wikang Austronesyano, Malayo-Polynesian, Katimugang Pilipinas, Danao at Iranon ang wikang Meranaw. Sa kasalukuyang anyong ortograpiya ng wikang Meranaw, may 23 ponema ng tunog, 4 na patinig at 19 na katinig na may 4 na mabibigat na tunog na itinuturing na natatanging ritmo ng wikang ito. Lumilitaw na mahigit sa 600 salitang Meranaw ang nag-ugat sa wikang Arabo. Patunay ito na sa naganap nang impluwensiyang Arabong mangangalakal na nanirahan sa Pilipinas hindi lamang sa relihiyon kundi maging sa estruktura ng wikang katutubong Meranaw.
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) taong 2020, tinatayang nasa mahigit 274,110 ang mga taong gumagamit ng Maranao sa kanilang mga tahanan hanggang sa mga pampublikong usapan.
Ang wikang ito ng Meranaw, may natatanging ritmo at tinig na mula sa tao ng Lanao!
Mga Sanggunian:
Esconde, G. G. “Lexicographic Description of Maranao Language.” Journal of Social Work and Science Education, vol. 4, 2023, pp. 234–50. https://doi.org/10.52690/jswse.v4i1.365.
Lobel, Jason William, and Labi Hadji Sarip Riwarung. “Maranao Revisited: An Overlooked Consonant Contrast and Its Implications for Lexicography and Grammar.” Oceanic Linguistics, vol. 48, no. 2, Dec. 2009, pp. 403–38. https://doi.org/10.1353/ol.0.0040.
KARAY-A
Wikang ginagamit ang Kinaráy-a sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ng Antique, Capiz, Guimaras, Iloilo, at ng ilang grupo sa lalawigan ng Palawan. Kilala rin ito sa tawag Antiqueño, Hinaráy-a, Hamtikanon, at Karáy-a. .
Naitala na ang terminong Kinaráy-a ay nagmula sa salitang ‘iraya’ na nangangahulugang ‘itaas’. Samantalang ang panlapi na ‘ka’ naman na nangangahulugang ‘kasama’ at ‘an’ na nangangahulugang ‘dumaan sa isang bagay’. Ayon sa Ethnologue, kabilang ito sa wikang Austronesian at na maituturing itong matatag na wikang ginagamit sa mga pamayanan at bilang wikang panturo sa edukasyon.
Noong 2013, idinagdag ng Department of Education (DepEd) ang Kinaray-a (Capiz, Alklan) bilang isa sa 19 lokal na wikang ginagamit bilang midyum ng pagtuturo mula Kinder hanggang Grade 3 sa ilalim ng Mother-Tongue-Based Multi-Lingual Education (MTB-MLE).
Itinuturing ng Komisyon sa Wikang Filipino na isa ang Kinaráy-a sa mga pangunahin at pinakamatatandang wika ng Pilipinas. Isa sa mga marka ng pagtangkilik at adbokasiya sa pagpapalakas ng wikang ito ang pagtatayo ng KWF ng monumentong Bantayog-Wika noong 2018 sa Evalio B. Javier (EBJ) Freedom Park sa San Jose de Buenavista, Antique.
Taong 2025, kinilala ang wikang Kinaráy-a bilang opisyal na wika ng Antique.
Sanggunian:
Ani. “The Kinaray-a language.” 1990. NLP Techno Aclatan. Inakses 2025 Setyembre 23. <https://nlpdl.nlp.gov.ph/CC01/monographs/1994/NLP00VM052mcd/v1/v29.pdf>.
Casalan, Marvin C. and Shirley N. Dita. “Notes on Nominal Marking and Noun Phrase Elements in Kinaray-a.” Journal of the Southeast Asian Linguistics Society Volume 15.Issue 3 (2022): 123-133. Inakses 2025 Setyembre 22. <https://papers.ssrn.com/sol3/papers.cfm?abstract_id=4021783>.
Ethnologue. Kinaray-a Language (KRJ) – L1 & L2 Speakers, Status, Map, Endangered Level & Official Use. w.p. Inakses 2025 Setyembre 22. <https://www.ethnologue.com/language/krj/>.
GMA News. DepEd Adds 7 Languages to Mother Tongue-based Education for Kinder to Grade 3. 13 Hulyo 2013. Inakses 2025 Setyembre 23. <https://www.gmanetwork.com/news/topstories/nation/317280/deped-adds-7-languages-to-mother-tongue-based-education-for-kinder-to-grade-3/story/>.
Kinaray-a as Philippine language. 6 Agosto 2025. Inakses 2025 Setyembre 23. <https://antique.gov.ph/news/kinaray-a-as-philippine-language/>.
Komisyon sa Wikang Filipino. Kinaráy-a – KWF Repositoryo ng mga Wika sa Pilipinas. w.p. Inakses 2025 Setyembre 22. <https://kwfwikaatkultura.ph/kinaray-a/>.
SURIGAONON
Surigaonon ang wikang sinasalita ng mga grupong Surigawnón sa mga lalawigan ng Surigao del Norte at Surigao del Sur; Isla ng Dinagat; at sa mga bayan ng Kitcharo at Jabonga sa lalawigan ng Agusan del Norte.
Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (n.d.), nananatiling aktibong wika ang Surigaonon sa rehiyon, subalit may mga pagbabago na ring naitatala sa anyo at gamit nito. Sa pananaliksik ni Penera (2021), lumilitaw na dumaraan ang Surigaonon sa mga morpolohikal na proseso gaya ng panghihiram ng salita, pagdaragdag ng panlapi, at pagbabawas ng mga titik. Ang ganitong mga pagbabago ay bunga ng intermarriages, edukasyon, trabaho, at turismo, na nagtutulak sa mga tagapagsalita na makipag-ugnayan at umangkop sa iba’t ibang wikang malapit sa kanila gaya ng Cebuano, Boholano, Leyteno, Tagalog, at Ingles (Penera, 2021; Bayang et al., 2025).
Sa isang pagsusuri nina Bayang et al. (2025), natuklasan na 30% ng mga Surigawnón ang hindi na gumagamit ng ilang katutubong salita tulad ng nautas, baju, pyangga, mayaas, dimudo, at andjaanay, upang mas madaling makipag-usap sa mga nagsasalita ng Boholano at Leyteno. Dahil dito, bumababa ang antas ng paggamit sa wikang Surigaonon, at kung hindi ito mapagtitibay sa mga kabataan, maaaring humantong ito sa unti-unting pagkawala. Bagaman itinuturing pa rin itong “ligtas” sa kasalukuyan ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (n.d.), mahalagang mabigyang-pansin ang mga pagbabagong ito upang maisulong ang mas malawak na paggamit, pag-aaral, at pagpapasa ng Surigaonon sa mga susunod na henerasyon.
Ayon sa pag-aaral ni Penera (2021), dumaraan sa ilang morpolohikal na proseso ang wikang Surigaonon—kabilang dito ang panghihiram, pagdaragdag ng panlapi, at pagbabawas ng mga titik. Ang mga pagbabagong ito ay hindi maaaring ihiwalay sa epekto ng pakikipag-ugnayan sa ibang wika gaya ng Cebuano, Boholano, Leyteno, Tagalog, at Ingles. Kabilang sa mga salik na nagtutulak sa pagbabagong ito ay ang paglaganap ng intermarriages, paglipat ng tirahan, pagtatrabaho sa kalunsuran, at pagdagsa ng mga turista (Penera, 2021; Bayang et al., 2025).
Bagaman itinuturing pa rin itong ligtas ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (n.d.), mahalaga pa ring mabigyang-pansin ang mga pagbabagong ito. Sa pamamagitan ng mga inisyatibo sa dokumentasyon, edukasyon, at lokal na media, maaaring mapanatili ang kasiglahan ng Surigaonon bilang buhay na wika at daluyan ng kultura sa rehiyon ng Caraga.
Sanggunian:
Bayang, E. E., M. C. Lloren, and D. M. A. Ciruela. “A Sociolinguistic Analysis of the Surigaonon Language: Demographics, Usage, and Linguistic Patterns for Preservation Strategies in Surigao del Norte.” Journal of Information Systems Engineering & Management, vol. 10, no. 17s, 2025, pp. 61–76. https://doi.org/10.52783/jisem.v10i17s.2707.
Komisyon ng Wikang Filipino. “Surigawnón – KWF Repositoryo.” Komisyon ng Wikang Filipino, n.d., kwfwikaatkultura.ph/surigawnon-2/.
Penera, L. K. B. “Morphosyntax Variations of the Surigaonon Language in North-eastern, Mindanao, Philippines.” TESOL International Journal, vol. 16, no. 2, 2021, pp. 122–47. https://files.eric.ed.gov/fulltext/EJ1329702.pdf.
MAGINDANÁWON O MAGUINDANÁON
Isa sa mga wikang Danáw ang Magindanáwon o Maguindanáon na ginagamit o sinasalita sa halos buong lalawigan ng Maguindanao maging sa mga karatig nitong lugar. Kabilang na dito ang bayan ng Pikit sa Hilagang Cotabato, bayan ng Lutayan sa Sultan Kudarat, at sa ilang lugar sa lalawigan ng Lanao del Sur, South Cotabato, at Zamboanga del Sur. Ilan sa mga tukoy na dialekto nito ang Laya, Ilud, Biwangan, Sibugay, at Tagakawayan.
May mga naisagawa nang mga pag-aaral kaugnay sa pagkakaiba-iba ng wikang ito sa iba’t ibang munisipalidad sa Maguindanao sa Sultan Kudarat, Cotabato City, Datu Odin Sinsuat, Mother Kabuntalan, Talayan, Datu Piang, Shariff Aguak, Mamasapano, General SK Pendatun, and Buluan. Ayon sa pag-aaral, dahil sa malawak ang sakop ng wikang Maguindanon, nag-iiba ang porma nito batay sa heograpikal na lokasyon at nagkakaroon ng iba’t ibang baryason sa ponolohiya, morpolohiya, at leksikal na paggamit (Kunso at Mendoza).
Batay sa mga tala ng Komisyon sa Wikang Filipino, itinuturing ito bilang masigla, buhay, at ligtas na wika. Ayon sa senso ng Philippine Statistics Authority noong 2022, pangsiyam ito sa sampung nangungunang wika/diyalekto na karaniwang ginagamit sa tahanan. Kasama na rin ito sa mga wikang ginagamit sa pagtuturo mula Kinder hanggang Grade 3 sa ilalim ng Mother-Tongue-Based Multi-Lingual Education (MTB-MLE) na ipinatutupad ng Department of Education.
Sanggunian
Komisyon sa Wikang Filipino. Magindanáwon – KWF Repositoryo ng mga Wika sa Pilipinas. w.p. Inakses 2025 Setyembre 22. https://kwfwikaatkultura.ph/magindanawon/.
Kunso, Fhajema and Riceli Mendoza. “Variations in the Maguindanaon Language.” Modern Journal of Studies in English 3.2 (2021): 67-91. Inakses 2025 Setyembre 22. https://www.researchgate.net/publication/361935690_Variations_in_the_Maguindanaon_Language.
Philippine Statiscs Authority. Tagalog is the Most Widely Spoken Language at Home (2020 Census of Population and Housing). 03 Hulyo 2023. Inakses 2025 Setyembre 22. https://psa.gov.ph/content/tagalog-most-widely-spoken-language-home-2020-census-population-and-housing.