Ang eTULAY-FILIPINO ay proyektong Open Online Course ng Sentro ng Wikang Filipino–UP Diliman (SWF-UPD) at Faculty of Education, UP Open University (FEd UPOU).
Bagama’t naging mapanghamon sa pagtuturo at pagkatuto ang nararanasang pandemya, nagbukas ito ng oportunidad na mapataas ang kasanayan sa paggamit ng teknolohiya at internet sa pagsasagawa ng mga proyekto gaya ng mga webinar at online na kumperensiya na nagtataguyod sa wikang Filipino. Gayunman, kapansin-pansin na hindi pa ganap na nagagalugad sa mga kasalukuyang naisasagawang aktibidad ang pagkakaroon ng mga open online course na nakatuon sa iba’t ibang paksain na magsusulong sa wikang Filipino bilang wikang panturo, pananaliksik, at opisyal na komunikasyon. Ang tanging mga Massive Open Online Course (MOOC) na naisagawa pa lamang hinggil sa Filipino ay ang mga idinisenyong MOOC sa Wika, Kultura, at Lipunan ng kasalukuyang Direktor ng SWF-UPD, Dr. Jayson D. Petras, noong 2016 sa ilalim ng e-Filipiniana project ng UP Open University.
Sa pagtugon ng SWF-UPD sa mandato nito, alinsunod sa Patakarang Pangwika ng UP, nakikita ang halaga na maipagpatuloy ang pagbubuo ng mga online course na magagamit ng iba’t ibang sektor sa loob at labas ng Unibersidad. Sa ganang ito, isang pangangailangan na malinang ang kasanayan ng mga kawani at mananaliksik ng SWF-UPD sa pagdidisenyo ng mga kursong online, gaya ng eTULAY-FILIPINO na siyang pagsisimulan ng mga proyektong MOOC.
Nagsimulang ipagkaloob sa ilalim ng eTULAY-FILIPINO ang mga kursong Panimulang Kasanayan sa Gramatikang Filipino at Batayang Kasanayan sa Akademikong Pagsulat sa Filipino na binuo nina G. Larry B. Sabangan at Mx. Allan E. Avena bilang mga Tagadevelop ng Kurso at Manunulat ng mga Modyul, katuwang si G. Khimwel A. Santos bilang Media Specialist na siyang nagsasaayos ng mga Interactive Book gamit ang HTML5 Package (H5P).
Nakadisenyo ang mga kurso ng eTULAY-FILIPINO para sa mga senior high school at di-gradwadong mag-aaral na aagapay sa kanilang kaalaman at kasanayan sa wikang Filipino na kanilang magagamit bilang pagbabalik-aral at paghahanda sa mas mataas na antas ng pagkatuto.