PANAWAGAN
AGOS: Refereed Journal ng Malikhaing Akdang Pampanitikan Tomo VI, 2025
Huling petsa ng Panawagan: 30 Disyembre 2024
Inaanyayahan ang lahat na magsumite ng kontribusyon para sa AGOS: Refereed Journal ng Malikhaing Akdang Pampanitikan, Tomo VI, 2025 na may bukas na tema.
Ang Agos ay ang kauna-unahang refereed journal na monolingguwal sa Filipino para sa Malikhaing Akdang Pampanitikan ng Sentro ng Wikang Filipino – UP Diliman na nakasulat o nakasalin sa wikang Filipino at iba pang mga wika sa Pilipinas. Isinusulong ng journal na ito na paunlarin at palawakin ang iba’t ibang pamamaraan ng malikhaing pagsusulat sa wikang Filipino at mga wika sa Pilipinas, at pag-ambag sa lawas ng panitikan sa Pilipinas. Layunin nito na tipunin ang mga malikhaing akda na tumatalakay, umuunawa, at dumidiskurso tungkol sa iba’t ibang antas ng karanasan at pagpapakaranasan ng mamamayang Filipino at ang ugnayan ng indibidwal sa kaniyang kaligiran, lipunan, at bayan.
Panuntunan sa Pagsusumite:
1. Para sa malikhaing akdang isusumite, kailangang orihinal at hindi pa nailalathala o naisumite para sa konsiderasyon sa ibang publikasyon, elektroniko man o limbag na anyo. May “pormularyo ng awtor” na kinakailangang sagutan na nagpapahayag na ang isinumiteng akda ay hindi pa nailalathala sa anumang publikasyon.
2. Kinakailangang nakasulat ang mga akda sa wikang Filipino o iba pang wika sa Pilipinas na may kasamang salin sa Filipino.
3. Maaaring magsumite ng alinman sa mga sumusunod:
- isang (1) koleksiyon na may limang (5) tula,
- Isang (1) koleksiyon na may limang (5) tulang pambata,
- isang (1) maikling kuwento, (maaaring 10-20 pahina)
- isang (1) sanaysay, (maaaring 10-20 pahina)
- isang (1) dulang may isang yugto,
- tatlong (3) dagli,
- isang (1) maikling kuwentong pambata, (maaaring 5-10 pahina)
- isang (1) komiks, o
- isang (1) eksperimental o hybrid na akda.
4. Para sa mga akda liban sa tula, inaasahan na naka-encode o kompyuterisado, doble-espasyo, at gumagamit ng font na Times New Roman na may laking 12 puntos at maglagay ng maikling sinopsis na binubuo ng hindi lalampas sa 300 salita o maaring maglagay ng susing salita.
5. Maaaring lakipan ng biswal na materyal (may kulay o black and white) gaya ng orihinal na larawan, ilustrasyon, graph, matrix, mapa, at iba pa. Tungkulin ng awtor na kumuha ng permiso sa anumang materyal na may karapatang-ari.
6. Maglakip rin ng maikling tala sa sarili (Bionote) na naglalaman ng kasalukuyang akademikong posisyon, digri, kinabibilangang larang, espesyalisasyon, pinakabagong publikasyon, pananaliksik at iba pang mahahalagang impormasyon.
7. Ang akda /mga akda ay hindi dapat naglalaman ng pangalan o anumang pagkakakilanlan gaya ng institusyon at kontak na numero sa halip ay sa pormularyo lamang ang mga ito makikita.
Mga inaasahang isusumite:
- Agos Journal Pormularyo ng Awtor (PDF): Apelyido_Pangalan_Pormularyo
Halimbawa: Sabangan_Lari_Pormularyo
- Bionote (docx): Apelyido_Pangalan_Bionote
Halimbawa: Sabangan_Lari_Bionote
- Akda na nasa docx at PDF (Walang pagkakakilanlan)
Akda_Genre_Pamagat ng Akda (Kung mahaba ang pamagat ng akda, ilagay lamang ang una hanggang ikatlong salita.
Halimbawa: Akda_Maikling Kuwento_Nang Minsang Tumakbo
Paalala:
Makukuha ang pamantayan sa pagpasa ng entri, pormularyo ng awtor, flowchart, at ang pagsumite ng entri sa google form sa link na ito:
https://drive.google.com/drive/folders/19ugV7jj-13PjtQfBkaQuNkmQk4tLQC8e
Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan kay G. Lari Sabangan sa email ng Agos (agos.swf.upd@up.edu.ph) o tumawag sa (+632) 8924-4747 o (+632) 8981-8500 lokal 4583. Maaari ding bumisita sa 3/P Sentro ng Wikang Filipino UP-Diliman, Gusali ng ISSI, Virata Hall, Kalye E. Jacinto, UP Diliman, Lungsod Quezon.