Skip to main content
Unibersidad ng Pilipinas Diliman | Opisina ng Tsanselor

Ang GAWAD SWF ay pagkilalang ipinagkakaloob kada dalawang taon ng Sentro ng Wikang Filipino – UP Diliman (SWF-UPD) na pinasimulan ni dating SWF-UPD Direktor Dr. Rosario Torres-Yu. Layunin nitong bigyang-parangal ang mga pagsisikap sa pagsusulong at pagpapaunlad ng wikang Filipino bilang intelektuwalisadong wika ng pagtuturo, saliksik, publikasyon, malikhaing produksiyon, at opisyal na komunikasyon. Gayundin, paraan ito upang hikayatin ang komunidad ng UP na magturo, manaliksik, at magsulat sa wikang Filipino.

Nahahati ang GAWAD SWF sa iba’t ibang kategorya:

  1. Natatanging Yunit na Tagapagtaguyod ng Wikang Filipino
  2. Natatanging Kawani na Tagapagtangkilik ng Wikang Filipino
  3. Pinakamahusay na Saliksik sa Daluyan Journal
  4. Pinakamahusay na Akda sa Agos Journal
  5. Pinakapopular na Lathala sa Aklatang Bayan Online


Ang GAWAD SWF Pinakamahusay na Saliksik sa Daluyan Journal ay iginagawad para sa artikulong: naghahatid ng bagong kaalaman sa larang; nag-aambag sa paglilinang, paggamit, at pagtanggap sa wikang Filipino at/o iba pang wika sa Pilipinas; at tumutugon sa mga usaping pangkultura at panlipunan sa kontekstong Pilipino.

Ang GAWAD SWF Pinakamahusay na Akda sa Agos Journal ay iginagawad para sa akdang: nag-aambag sa pagpapayabong sa Filipino bilang wika ng malikhaing pagsulat at produksiyong pampanitikan; at nagtatampok ng napapanahon at makabuluhang tema o paksain.

Ang GAWAD SWF Pinakapopular na Lathala sa Aklatang Bayan Online ay iginagawad para sa lathalang teksbuk o aklat na may pinakamaraming bilang ng download mula sa SWF-UPD website at kung gayon, nag-aambag sa pagpapaunlad ng isipan ng mambabasang Pilipino.

Ang GAWAD SWF Natatanging Kawani na Tagapagtangkilik ng Wikang Filipino ay iginagawad sa kawaning administratibo ng Unibersidad na nagpapamalas ng suporta sa wikang Filipino sa opisyal na komunikasyon at serbisyo publiko.

Ang GAWAD SWF Natatanging Yunit na Tagapagtaguyod ng Wikang Filipino ay iginagawad sa yunit (akademiko o administratibong yunit) sa Unibersidad na aktibong nagsusulong sa wikang Filipino.

Ang GAWAD SWF Natatanging Proyekto sa Filipino ay iginagawad sa mga proyekto sa Unibersidad na tumatangkilik at nagtataguyod ng wikang Filipino.

Mangyaring i-click ang imahen para sa mga detalye ng kalipikasyon, panuntunan, pamantayan, proseso ng pagpili, at premyo.