Ang TANGHAL TAGUMPAY ay long-term na proyekto ng Sentro ng Wikang Filipino-UP Diliman (SWF-UPD) bilang pagtugon sa kampanyang isinusulong tuwing buwan ng Marso sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Sa suporta ng UP Diliman Gender Office, nilalayon nito ang itanghal ang lakas at kapangyarihan ng kababaihan sa paraang pagtatampok sa kanilang mga kuwento at karanasan ng pakikibaka at pagtatagumpay.
Sa patuloy na pagharap ng mga kababaihan sa karahasan, pananamantala, hindi pagkakapantay-pantay, pang-aapi, at paniniil lalong mahalaga at makabuluhan ang tunguhin ng Tanghal Tagumpay. Sa pamamagitan nito, nagkakaroon ng espasyo ang kababaihan sa pagsasatinig ng kanilang pakikibaka at pagtatagumpay para sa adhikaing pagsasakapangyarihan tungo sa malay, malaya, at mapayapang lipunan.
Narito ang mga proyektong naisagawa ng SWF-UPD TANGHAL TAGUMPAY:
Marso 2021, inihandog ng SWF-UPD ang performatibong online exhibit na “#Tanghal Tagumpay: Pagsulong ng Karapatan at Kagalingan ng Kababaihan at Mamamayan.” Sa pamamagitan ng pagtatanghal ng iba’t ibang anyo ng likhang-sining, ipinakita nito ang ambag sa pagtataguyod ng pakakaisa ng kababaihan at mamamayan laban sa umiiral na opresyon at sistematikong karahasan. Itinampok, lalo’t higit, ang pagsusulong ng mga karapatan at kagalingan ng kababaihan at mamamayan.
Marso 2022, inihandog ng SWF-UPD ang proyektong “#Tanghal Tagumpay: Pagtatampok sa mga Natatanging Ambag ng Kababaihan sa Larangan ng Wika, Panitikan, Sining, Karapatang Kababaihan, at Karapatang Pantao.” Itinampok ang piling mga kababaihan na may natatanging kontribusyon sa larangan ng wika, panitikan, malikhaing pagsulat, at sining—mga kababaihang nagsusulong ng karapatan ng kababaihan at karapatang pantao, at naging bahagi ng UP SWF Diliman sa iba’t ibang gawain, proyekto, at kampanya hinggil sa pagtataguyod ng wikang Filipino.
Marso 2023, inihandog ng SWF-UPD ang proyektong dokyu-naratibong “Kuwatro Kuwadro: Apat na Mukha, Apat na Kuwento ng Kababaihan sa UP Diliman” na nagtampok sa apat na mukha at apat na kuwento ng pagtatagumpay at pakikibaka ng kababaihan mula sa hanay ng manggagawa, manininda, guwardiya, at street sweeper-hardinera ng UP Diliman. Mga mukha ng katatagan, katapangan, kagitingan, at kalayaan. Mga kuwento ng pagtataguyod, pagtindig, paglaban, at pagpapalaya.
Marso 2024, inihandog ng SWF-UPD ang proyektong digital audio storytelling na “Tinig ng Pagtindig: Salaysay ng Pakikibaka at Tagumpay ng Kababaihan” na nagtatampok ng sampung salaysay ng kababaihan mula sa hanay ng mga guro, mag-aaral, at kawani ng Unibersidad. Pagsasakapangyarihan ito sa kanilang mga kuwento ng danas at tagumpay na ibinahagi gamit ang kanilang sariling wika.