Isang Paggalugad na Pananaliksik sa Mundo ng Zines sa Pilipinas
Bubuklatin ng aklat na ito ang kasalukuyang mundo ng zines sa Pilipinas. Ang zines bilang isang alternatibong midyang malaya, nagsasarili, at mabisang daluyan ng mga ideyang lihis sa tipikal ay nananatiling isang lehitimong paraan ng mga indibidwal at mga kolektibo sa pagpapahayag ng kani-kanilang mga personal na kuwento at politikal na adhikain.
Tutunghayan ang sari-saring naratibo ng labindalawang manlilikha mula sa Lungsod ng Quezon, Maynila, at Los Baños. Tutuon ito sa apat na usapin: ang moda ng produksyon ng zines, ang karaniwang anyo at nilalaman ng mga ito, ang moda ng pagpapakalat o distribusyon, at ang katangian ng kalipunang ibinibigkis nito. Tatangkain din nitong humanap ng balangkas na lapat sa kasalukuyang konteksto bilang instrumento ng pag-unawa bunsod ng mga pagbabagong nararanasan ng larangan sa kasalukuyan. At higit sa lahat, magsisilbi itong imbitasyon sa mga mambabasa na kilalanin ang kani-kanilang angking kakayahan at lumahok sa komunidad ng mga manlilikha.
Si JOKKAZ SP. LATIGAR ay isang Research Assistant mula sa Ateneo De Manila University para sa pag-aaral hinggil sa Anti-Drug Campaign ng administrasyong Duterte. Siya ay nagtapos ng Batsilyer ng Arte sa Sosyolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman noong 2019. Habang nasa unibersidad ay aktibo siyang lumalahok sa mga mobilisasyon para sa panlipunang pagbabago. Ito ang humubog sa kaniyang interes upang ipagpatuloy ang mga gawaing may kinalaman sa karapatang pantao.