Ang mga tula ni Soliman Agulto Santos ay mabibisang aralin sa ekonomiyang pampulitika ng lumalalim at tumitinding mga ugnayang malapyudal sa kanayunan ng Pilipinas… Mahusay na nailalarawan ng mga tula ni Santos ang dati nang pagsasamantala at karukhaan sa nayon na tradisyonal na paksain ng panitikan, ngunit masasabing higit na sensitibo rin ang kanyang mga obra sa mga masasalimuot na kontemporaryong kontradiksyon na nalilikha ng mga papalalim at papatinding mga ugnayang kapitalista sa larangang agrikultural. Ang dating mga ugnayang paternalistiko at pyudal ay ganap nang napapalitan ng mga ugnayang tahasang magkasalungat at marahas. – – MULA SA PAUNANG SALITA NI RAMON GUILLERMO
Tubong Hagunoy, Bulakan, si SOLIMAN A. SANTOS ay mangingisdang nag-aral ng malikhaing pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas. Ang kanyang mga tula at maikling kuwento ay nalathala na sa iba’t ibang publikasyon tulad ng Philippine Collegian, Ani, Kalasag, Palihan, Likhaan, Entrada, at iba pa. Nagwagi ng ilang gantimpala ang kanyang mga tula sa Gawad Rogelio Sikat at sa sentenaryo ni Ka Amado V. Hernandez noong 2003. Naging fellow siya sa tula sa 34th UP National Writers Workshop noong 1999. Kasalukuyan siyang nagtuturo ng panitikan at malikhaing pagsulat sa Politektikong Unibersidad ng Pilipinas at nagsisilbi bilang hepe ng Pre-press at Digital Printing Section ng PUP University Printing Press. Nagsusulat din siya ng mga balita at lathalain sa Pinoy Weekly, isang progresibong magasin.