Mula sa sinapupunan ng cultural geography, ang pagmamapang EtnoKultural ay isang pamamaraan ng pag-unawa sa usapin ng identidad, etnisidad at kalinangan ng isang pangkat etniko tulad ng Pangasinan, lampas sa mga pagpapakahulugan na nasa mga dokumentong kolonyal at mga tala ng nasyon-estado tulad ng census at mga politikal na paghahati ng lalawigan.
Bagama’t hindi isinantabi ang mga primaryang sanggunian, minahalaga ng pag-aaral ang iba pang batis ng kaalaman na nagbibigay hugis at anyo sa pagpapakahulugan ng Pangasinan—bilang bahagi ng Amianan (Norte), lalawigang nakilala sa dami ng mga folkhealers/faithhealers, mga katutubong may masasayang awitin at panitikang bayan, mga babaeng matatapang, at mga residente (katutubo at migrante) na may matalik na ugnayan sa kanilang kapaligiran at mga karatig-bayan.
Inusisa at inurirat sa pamamagitan ng pagpunta sa larangan (fieldwork) ang mga kuwentong bayan kaugnay ng dikotomiya ng sinaunang pamayanan ng Caboloan-Pangasinan, ang mito ni Prinsesa Urduja at Kaharian ng Tawalisi, ang naratibo ng Birhen ng Manaoag at Tradisyong Manag-anito, at ang kalakal ng mga biyaherong nakilala sa Maynila bilang Cattle Caravan.
Ang lente at pagsipat ng mananaliksik bilang nag-ugat sa syudad ng San Carlos (dati’y Binalatongan) at produkto ng akademya ay bahagi rin ng kabuoang konstruksyon ng Pagmamapang EtnoKultural.
—Mula sa Introduksyon
Ang awtor na si MA. CRISANTA “MAROT” SAMSON NELMIDA-FLORES ay ipinanganak at lumaki sa Pangasinan. Ang kanyang ina na si Perla Manzon Samson ay tubong San Carlos. Ang mga Samson ay galing diumano sa mga inapo ni Limahong ayon sa aklat na Tsinoy ni Teresita Ang See. Ang kanyang ama na si Salvamar Cayabyab Nelmida ay produkto ng Cayabyab mula sa San Carlos at Nelmida mula sa Luna, La Union. Ang mga pinag-ugatang ito at kaligiran ang siyang nagdala sa kanya sa pananaliksik ukol sa Pangasinan kasama na rin ang migrasyong Iluko sa lalawigan.
Si Marot Nelmida-Flores ay ginawaran ng UP President’s Award para sa pananaliksik noong 2006 at UP Gawad Chancellor para sa Pananaliksik sa Filipino noong 2017. Kinilla rin siya bilang Most Outstanding Citizen of San Carlos para sa kultura noong 2007 at Most Oustanding Alumna ng Divine Word Academy of Dagupan noong 2014. Siya ay full professor sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman.