Ito ang paglalarawan sa mapait na kalagayan sa daigdig. Mukhang walang pag-asa at walang masusulingan ang mga tao. Kahit sa pelikula sa kasalukuyang panahon ay hindi pa naipakikita ang ganitong eksena, kung saan ang mga tao, na tila mga zombie na sinasaniban o nahawa ng napakabagsik na virus o espiritu, ay naging labis na matalino at matindi ang yakap sa mga prinsipyo, doktrina, at ideolohiyang sumanib sa kanila. Sila lamang ang tama at wala nang iba pa. Handa silang gawin ang kahit ano, magbaka ng hirap at pasakit, lumaban, pumatay, kumain ng buhay na kapwa-tao upang isulong ang mga layuning makatuwiran at makatarungan sa kanilang pananaw. Gayunpaman, hindi naman lubusang magiging impiyerno ang daigdig at hindi malulunod, masusunog, at malulusaw nang dahan-dahan sa kumukulong lawa sa impiyerno ang mga tao habang naririto pa sa lupa. Hindi ganoon kawalang-pag-asa ang lahat. May kasagutan at solusyon sa suliranin. May binabanggit si Dostoyevsky na iilang maaaring makapagligtas sa sangkatauhan. Makikita nila ang tamang landas at maituturo sa mga nagkaligaw-ligaw at wala nang masulingang hindi na malaman ang patutunguhan. Sila ang mga hinirang at malilinis ang puso, na magsisimula ng bagong uri ng tao at bagong buhay sa mundo. Pag-iibayuhin at lilinisin nila ang buong daigdig. – Mula sa Panimula ng Tagasalin
Si Herman Manalo Bognot ay Katuwang na Propesor sa Departamento ng mga Wikang Europeo sa UP Diliman at nagtuturo ng wikang Ruso. Matibay ang kaniyang paniniwala na ang pagtuturo at pag-aaral ng mga wikang dayuhan ay maaaring gabayan patungo sa layuning pagyamanin at paunlarin pa ang wikang tinubuan. Ang pagsasalin ng mga dakilang Obra Maestra gaya ng Pagkakasala at Kaparusahan ni Feodor Dostoyevsky ay isang magandang halimbawa. Naniniwala si Bognot na maaaring sakupin ang walang-hanggang mundo ng panitikan sa pamamagitan ng pagsasalin.