“Ang librong ito ay koleksiyon ng 52 sanaysay. Mainam na balik-balikan ang mga ito para malaman ang konteksto ng maraming problemang kinakaharap ng bayan. Hindi ka man sang-ayon sa lahat ng mga opinyong nakalahad sa mga artikulong ito, bukas naman siguro ang iyong isipan para pagnilay-nilayan ang mensahe. Sa konteksto ng nangyayari sa ating lipunan, kailangang mapaunlad ang kultura ng kritisismo, lalo na ang obhetibong katangian nito.” – MULA SA INTRODUKSIYON NG AWTOR
Si DANILO ARAÑA ARAO ay kawaksing propesor (associate professor) sa Departamento ng Peryodismo ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla sa Unibersidad ng Pilipinas(UP) Diliman. Nagtuturo din siya bilang faculty affiliate ng UP Diliman Center for International Studies (CIS). Ang Obhetibong Kritisismo ay ika-anim niyang libro ng mga sanaysay sa wikang Filipino. Ang iba pa niyang libro ay ang Kon(tra)teksto: Pag-uungkat, Pag-uulat at Pagmumulat (DLSU Publishing House, 2012); Hay, Buhay! Reklamong Todo-todo Mula sa Nag-aalboroto (UP Press, 2012); Saysay ng Pagkakaugnay-ugnay: Mga Sanaysay ng Pagninilay-nilay (UST Publishing House, 2012); Hay, Naku! 2013: Pagsusuma ng Isang Peryodista (Pinoy Media Center [print] at Flipside Publishing [e-book], 2014); at Kuro-kuro (Flipside Publishing, 2015). Kasamang awtor rin siya ng The Electronic Trail: Computer-Assisted Research in Reporting in the Philippines (Philippine Center for Investigative Journalism, 1997), Monitoring Media Coverage of Elections: A Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR) Guidebook (CMFR, 2007) at The ASEAN Guide: A Journalist’s Handbook to Reintegration in Southeast Asia (International Institute for Journalism, 2010). Natapos niya ang Bachelor of Arts (BA) in Communication (Journalism), cum laude at Most Outstanding Journalism Student, sa UP Diliman noong 1991; at ang Master of Arts (MA) in Philippine Studies, with High Distinction, sa Pamantasang De La Salle-Maynila noong 2002. Kasalukuyan siyang nagsusulat ng disertasyon para sa programang Doctor philosophiae (Dr. phil.) ng Ilmenau University of Technology (Alemanya). Para sa karagdagang impormasyon, pumunta sa kanyang website (www.dannyarao.com).”