May pagkutya sa salitang blogger dahil kinakabit siya sa mga kontrobersiyal na tagasuporta ng gobyernong ‘dilaw’ at Digong. Akala tuloy ng marami ang pagiging blogger ay pagpili lamang sa dalawang panig na ito. Ang librong ito ay isang paalala na may mga gumamit ng blog hindi upang maging propagandista ng estado kundi hamunin ang kontra-mamamayang diskurso ng mga nasa kapangyarihan.
May hugot ang mga pinili kong sanaysay sa mga nagdaang rehimen at marami ay naglalaman ng mga salitang hango sa balita na maaaring hindi na pamilyar sa konteksto sa kasalukuyan. Kaya isang byahe sa malapit na nakaraan ang alay ng kompilasyong ito. Gayunpaman, hindi lang ito komentaryo patungkol sa nakalipas na dekada. Ito ay may layong magbigay din ng kritika sa pulitika ng bansa habang nagbibigay diin sa halaga ng pakikisangkot ng marami, lalo na ng kabataan, sa pagtulak ng pagbabago.
Nagkaroon ako ng pambihirang pagkakataon na masulyapan ang loob ng kongreso at mula dito ay naabot ko ang mas maraming kababayan natin sa iba’t ibang dako ng bansa. Marami sa aking nasaksihan ay nasulat sa aking blog o nalathala sa Bulatlat, isang alternatibong news website. Nawala na sa uso ang blog pero ang librong ito ay patunay na nagkaroon ng partikular na silbi ang espasyong ito upang hikayatin ang mga tao na magsulat, na ngayo’y pwedeng pag-aralan bilang dokumentasyon ng iba’t ibang naratibo, opinyon, at karanasan sa ating lipunan sa unang bahagi ng bagong siglo.
– MULA SA INTRODUKSIYON NI MONG PALATINO
Si MONG PALATINO ay nagtapos ng pag-aaral sa UP Diliman. Siya ay blogger, aktibista, at unang kinatawan ng Kabataan Partylist sa Kongreso.