Sa kasalukuyang panahon, pinapatay ng rehimeng Duterte ang mga mamamayang Filipino, at pinapatay ng neoliberal na globalisasyon ang mismong daigdig natin. Ano ang mauuna, ang pagputol sa huling puno, o ang pagpugot sa ulo ng huling mamamahayag? Ang librong ito ay huling buga ng idealismo, ng romantisismo na meron ako. Kung hindi ako paluluhurin ng realidad, papagapangin ako ng lohika. Hayaan, kung gayon, mahal kong mambabasa, na maging huling kumpisal ito ng wirdong nakabasa ng kaunting Eagleton at Zizek at ang naging reaksiyon ay “Aba, oo nga ano! Pucha ang galin nun! Kamatayan sa kapitalismo!” – MULA SA PAUNANG SALITA NI U.Z. ELISERIO
Si U Z. ELISERIO ay mandudula, tagasalin, at eskultor. Nagtuturo siya ng Filipino at buhay at mga akda ni Jose Rizal sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa College of Arts and Letters ng University of the Philippines, Diliman. Awtor siya ng Sa mga Suso ng Liwanag, Wala Tayong Sasantuhin, Kami sa Lahat ng Mataba, Apat na Putok, at Tungkol sa Aso. Nakatira siya sa Marilao kasama ang kanyang asawa at kanilang anak. Bisitahin siya sa ueliserio.net.