Sa kabila ng mga pagbabagong panlipunan, nananatiling pinagkakaitan ng karapatan ang maraming bata sa Pilipinas. Bagama’t kung lilinangi’y may sariling gahum, humaharap ang maraming bata sa malalalim at sala-salabat na depribasyon at vulnerabilidad na sagabal sa kanilang pakikilahok at pag-unlad. Isa sa mga dahilan nito ang kaayusang panlipunang hindi nagbibigay-tinig sa mga bata. Mistulang humahamon sa kayariang panlipunang ito ang napakahalagang libro ni EJ Bolata na nagtatanghal sa mga bata sa kasaysayan at panitikang Pilipino. Sapagkat may kaalaman ukol sa at kamalayan para sa mga bata, mabisang kasangkapan ang libro sa pagpapalitaw sa gahum ng mga bata sa lipunang Pilipino. Patunay ang librong hindi lang basta bata ang mga bata. – ATOY M. NAVARRO KASAMANG PATNUGOT, SALIKSIK E-JOURNAL PROGRAM MANAGER, FERCAP
Si EMMANUEL JAYSON V. BOLATA ay kasalukuyang instruktor sa Departamento ng Kasaysayan, Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya, Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Nagtapos siya ng BA History (magna cum laude) at kasalukuyang kumukuha ng MA History sa parehong institusyon. Isa siya sa mga patnugot ng Kislap-Diwa: Mga Pagmumuni sa Panitikan, Pelikula, at Kultura (2018), inilathala ng Hinabing Salita Publishing House, isang independent publishing house sa Tarlac. Nagawaran siya kamakailan ng Empowering Network for International Thai and ASEAN Studies (ENITAS) Scholarship, mula sa Institute of Thai Studies, Chulalongkorn University sa Bangkok, Thailand. Mababasa ang ilan sa kaniyang mga publikasyon sa Katipunan Journal, Saliksik E-Journal, TALAS: An Interdisciplinary Journal in Cultural Education, at Likhaan: The Journal of Contemporary Philippine Literature.