“May isa pang magagamit na salita para sa mga gawa ni Pascual, na sa tingin ko’y maituturing nating sinonimo sa transgresyon: trahedya. Transgresibo ang mga trahedya ni Pascual sa panahong ito, dahil tinatanggihan niya ang proposisyong maaaring paghugutan ng lakas ang pagdurusa na siyang kondisyon ng sangkatauhan. Minsan, madalas, ang paghihirap ay paghihirap lamang. Wala itong edipikasyong maidudulot. Walang kaligtasan dito.” – Mula sa Introduksyon ni U Z. Eliserio
Si CHUCKBERRY J. PASCUAL ay nagtapos sa UP Diliman. Siya ang awtor ng Kumpisal: mga kuwento (USTPH), Pagpasok sa Eksena: Ang Sinehan sa Panitikan at Pag-aaral ng Piling Sinehan sa Recto (UP Press), Ang Nawawala (Visprint), at Ang Tagalabas sa Panitikan (USTPH). Isa rin siya sa mga awtor ng Kolab: Koleksiyon ng mga Dula (UP Press). Nagtuturo siya sa UST at nagsisilbing Resident Fellow ng Center for Creative Writing and Literary Studies at Research Fellow ng Research Center for Culture, Arts and Humanities.