Maraming bagay na idinudulog at isinusubi ni Wiji sa kaniyang mga tula. Isa na rito ang pagnanais niyang maging bala. Alam iyon ng kaniyang mga naiwan. Alam din nila na nagtagumpay si Wiji sa bagay na iyon, bagaman nananatili pa rin ang mga pader (tembok) at bakod (pagar) na kailangang tibagin. Tulad ng tinuran ni Fitri (panganay na anak ni Wiji) sa kaniyang eponomyong tula na “Nagtagumpay kang Maging Bala” (Kau Berhasil Menjadi Peluru), nagtagumpay si Wiji na maging bala. Isang balang kumawala at tumalilis mula nguso ng baril bitbit ang kabataan, pangarap, at takot ng isang henerasyon. Isang balang walang-tigil at walang-mintis na aasinta, tutugis, babaon, at tatagos sa noo ng mga kaaway ng kalayaan, bayan, at imahinasyon.
Mark Laurence D. Garcia
Amado Anthony G. Mendoza III
– mula sa Introduksyon ng mga patnugot at tagasalin
pinanganak sa Sorogenen, Solo si WIJI THUKUL noong Agosto 26, 1963. Itinuturing bilang pinakamahalagang makata sa ikalawang hati ng ika-20 siglo, at ang sinasabing nagmana ng ikonoklasmo ni Chairil Anwar at politika ng organisasyong Lembaga Kebudyaan Rakyat (LEKRA [Linangan ng Kulturang Bayan]), nakilala rin si Wiji bilang isang mahusay na unyonista at organisador, partikular noong 1980s at 1990s. Dahil dito, naging mainit siya sa rehimeng Suharto at mga galamay nito. Noong Hulyo 27, 1998, siya ay naging desaparecido.
Tungkol sa mga patnugot at tagasalin:
Si MARK GARCIA ay kasalukuyang estudyante sa Archaeological Studies Program, UP Diliman. Nagtapos ng BA Araling Pilipino sa DFPP. Nakatanggap siya ng Darmasiswa Scholarship mula sa Kementrian Pendidikan dan Kebudayaan Republik Indonesia noong 2017-2018.
Nagtuturo si AMADO ANTHONY G. MENDOZA III ng mga kurso sa panitikan at malikhaing pagsulat sa DFPP, UP Diliman. Bukod sa kaniyang mga malikhaing akda at pananaliksik na nailathala sa Likhaan, Daluyan, Tomas, Talas, Southeast Asian Studies (CSEAS, Kyoto University), JONUS, at iba pang publikasyon, isinalin din niya ang ilang akda ng mga batikang manunulat na Indones tulad nina Eka Kurniawan, Wiji Thukul, at Chairil Anwar sa Filipino. Siya ang may-akda ng nobelang Aklat ng mga Naiwan (Balangiga Press, 2018), ang unang tomo sa binabalak na “Trilohiyang Reaksyonaryo.”