“Ang kathang agham ay sangay ng fiction na patungkol sa posibleng epekto ng siyensiya at bagong teknolohiya sa tao at/o sistemang panlipunan. Pumapatungkol ito sa bagong pagtingin sa lipunan ng tao o sa katangian ng indibidwal , o sa mga bagay na magaganap sa hinaharap ayon sa isang teoryang siyentipiko.
Tampok sa Ang Tala ang malayong bukas, upang malimi ang hiwaga ng sangkatauhan. Dadalhin din tayo ng Mga Panaginip ni Einstein sa nakaraan para maintindihan ang takbo ng isip at diwang nag-uudyok sa isang dakilang siyentista. Samantala, ang Bulaklak sa Libingan ng Daga ay kuwento ng isang kagilagilalas na eksperimento upang maging henyo ang isang taong “salat sa pag-iisip.”
Si Dr. Mario Ignacio Miclat (1949-2021) ay isang makata, manunulat, at eksperto sa pagsasalin at mga pag-aaral hinggil sa China. Naging Dekano siya ng UP Diliman Asian Center, at nagsilbi bilang tagapangulo ng National Committee on Language and Translation ng National Commission for Culture and the Arts. Nagsilbi rin siyang Direktor ng Sentro ng Wikang Filipino-UP System noong 1996-2001. Itinanghal siyang Kampeon ng Wika ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong 2019. Kinilala ang kaniyang mga akda at pananaliksik ng Gawad CCP, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas, at marami pang iba. Mahalagang ambag ang kaniyang pagsasa-Filipino ng mga kathang agham na matatagpuan sa koleksyong ito. Patuloy siyang inaalala at minamahal ng marami.