Tinipon sa kasalukuyang aklat ang limampung tula ni Roger Felix Salditos, rebolusyonaryong martir, manunulat, at pintor na mas kilala sa mga pangalang Mayamor at Maya Daniel. Bantog bilang pinakamahusay na rebolusyonaryong makata na nagsusulat sa wikang Hiligaynon, binibigyan ng buhay sa mga tula ni Salditos ang mga aspirasyon at pakikibaka ng mga katutubong tumandok at masang anakpawis at ang pang-araw-araw na buhay ng mga rebolusyonaryo sa isla ng Panay. Sa pagsasalin ng tanyag na makata na si Kerima Lorena Tariman sa Ingles at Filipino ng mga tula ni Salditos, muling ipinakilala sa buong bansa at sa mundo ang isang natatanging boses na nagsasalita mula sa piling ng mga nakikibakang mamamayan sa mga kabundukan at parang ng Kabisayaan.
Mas kilala sa pangalan na Mayamor at Maya Daniel si ROGER FELIX SALDITOS, rebolusyonaryong martir, manunulat at pintor. Sa mahigit apat na dekada niyang pagkilos sa mga kabundukan ng isla ng Panay, binigyang-hugis ni Salditos ang mga aspirasyon at danas ng mga pulang mandirigma at masang anakpawis sa isla ng Panay sa kanyang mga prosa, tula, at iba pang likhang-sining. Isa siya sa pitong di-armadong rebolusyonaryo na minasaker ng mga militar at pulis sa Atabay, San Jose, Antique, noong Agosto 15, 2018.