Matagumpay na naisakatuparan ng Sentro ng Wikang Filipino – UP Diliman (SWF-UPD) ang apat na pangunahing gawain para sa Buwan ng Wika 2023 sa UP Diliman. Nagsilbing tema ng pagdiriwang ang Sulong: Wikang Filipino sa Pambansang Kaunlaran at Pandaigdigang Ugnayan na angkla sa bagong bisyon ng SWF-UPD para sa pagtatampok at pagpoposisyon sa wikang Filipino bilang intektuwalisadong wika sa loob at labas ng Unibersidad.
Nagsimula ang pagdiriwang sa presentasyong biswal na Terminolohiyang Filipino sa Iba’t Ibang Disiplina sa palibot ng Academic Oval na nagtampok sa 46 terminong Filipino mula sa iba’t ibang departamento/kolehiyo/ tanggapan sa UP. Sa tulong naman ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining – Philippine Cultural Education Program (PCEP), naisagawa noong 10-12 Agosto ang Pambansang Seminar Workshop sa Wika na may temang “Plano at Polisiyang Pangwika sa Multilingguwal at Multikultural na Edukasyon” na dinaluhan ng mahigit 160 delegado mula sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas. Samantala, inilunsad noong 18 Agosto ang online magazine show na talaSalitaan Online: Talakayan sa Wikang Filipino, Akademya, at Bayan, na magkasamang itinaguyod ng SWF-UPD at ng UPOU Center for Open and Digital Teaching and Learning (CODTL), sa pamamagitan ng unang episode na “34 Taon ng UP Palisi sa Wika: Kumusta na ang Estado ng Wikang Filipino sa Akademya” kasama ang mga tagapagsalitang sina Dr. Galileo S. Zafra at Dr. Melania L. Flores.
Nagsilbing pampinid na gawain noong 30 Agosto ang Paglulunsad at Paggawad 2023 na nagpakilala sa mga bagong publikasyon ng Aklatang Bayan at mga isyu ng mga journal na Daluyan at Agos, opisyal na website, at Saliksikang Filipino Resource Center, bukod pa sa mga bagong proyekto sa mga susunod na buwan gaya ng eTulay-Filipino Massive Open Online Courses at mga Gawad Teksbuk at Saliksik-Wika. Pinarangalan din ang mga nagwagi sa Gawad SWF na sina: Aurora E. Batnag para sa Pinakapopular na Lathala sa Aklatang Bayan Online (Si Alice sa Daigdig ng Hiwaga); Jose Monfred C. Sy para sa Pinakamahusay na Saliksik sa Daluyan Journal (“Hulagway ng Yutang Kabilin sa mga Mapa mula sa Lumad Bakwit Iskul: Isang Panimulang Pag-aaral”); at sina Rowena P. Festin (“Tanawin mula sa Aking Bintana,” “Ang Matanda sa Gilid ng Simbahan sa Likod ng SM North,” at “Hatinggabi ng Butik isa Eskinita”), Cris R. Lanzaderas (“Aliberde”), Roda Tajon (“Tapos, Pagkatapos, at Di Maipadalang mga Liham”), at Alpine Moldez (“Adobo”) para sa Pinakamahusay na Akdas a Agos Journal. Nabigyan naman ng Pagkilalang Hurado sa Agos Journal ang mga guro-manunulat na sina Jimmuel C. Naval, Luna Sicat-Cleto, at Elyrah L. Salanga-Torralba.
Ang proyekto sa Buwan ng Wika ng SWF-UPD ay naisagawa sa tulong ng Opisina ng Tsanselor ng UP Diliman at mga kasamang tagapagtaguyod.