Skip to main content
Unibersidad ng Pilipinas Diliman | Opisina ng Tsanselor

Lunsaran 2: Bagong Mga Aklat sa Aklatang Bayan Online ng Sentro ng Wikang Filipino – UP Diliman

Pagbati sa lahat!

Apat na bagong aklat at anim na dating-limbag na mga aklat ng Sentro ng Wikang Filipino (SWF) – UP Diliman ang ilulunsad sa Oktubre 26, 2020, Lunes, 2-5nh. Ito ang ikalawang paglulunsad ng mga aklat ngayong taon sa ilalim ng proyektong Aklatang Bayan Online. Naunang inilunsad noong Agosto 31, 2020 ang 16 na bagong aklat at dalawang refereed journals ng SWF-UP Diliman. Noong Oktubre 13, 2020 naman ay inilunsad ang festschrift para kay Dr. Bienvenido Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan at UP Professor Emeritus, ang Bien, Bien! Alagad ng Sining, Anak ng Bayan.

Samahan ninyo kami sa paglulunsad ng ikalawang batch ng Aklatang Bayan Online:BAGONG MGA AKLAT

1. Pangasinan: Isang Etnokultural na Pagmamapa ni Dr. Marot Nelmida-Flores
2. Balada ng Bala at iba pang Tula ni Wiji Thukul, salin nina Mark Laurence A. Garcia at Prop. Arlo Mendoza
3. Suri, Saliksik, Sanaysay: Mga Babasahin sa Wika, Panitikan, at Lipunang Pilipino ni David Michael M. San Juan
4. Pag-aangkop sa Kagipitan at Ligalig: Isang Panimulang Pag-aaral sa Kaso ng mga Anak ng mga Bilanggong Politikal ni Dr. Elizabeth Protacio-De Castro

ISASA-ONLINE NA MGA AKLAT
1. Anotosyon ng mga Tesis at Disertasyon ng Sentro ng Wikang Filipino – UP Diliman
2. Sa Madaling Salita: Kasaysayan at Pag-unlad ng Wikang Pambansa nina Dr. Rommel B. Rodriguez at Prop. Choy S. Pangilinan (mga patnugot)
3. Bungkalan: Manwal sa Organikong Pagsasaka ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura
4. Wika at Pasismo: Politika ng Wika at Araling Wika sa Panahon ng Diktadura ni Dr. Gonzalo A. Campoamor III
5. Ang Pilipinong Seaman sa Globalisasyon: Mga Naratibo ng Pagsubok at Pakikibaka ni Dr. Joanne V. Manzano
6. Kinabuhi: Kultura at Wika sa Salin ng mga Kuwentong Bukidnon ni Prop. Leonisa A. Impil

Bukas sa publiko ang online na paglulunsad. Pumunta lamang sa:
1. Zoom – www.bit.ly/Lunsaran2
2. Facebook Live – www.facebook.com/swfupdiliman

Takits! Sulong! Padayon!

Lagi,
Dr. Mykel Andrada
Direktor, Sentro ng Wikang Filipino – UP Diliman

Dumalo sa Paglulunsad ng Festschrift para kay Dr. Bienvenido Lumbera

Ilulunsad sa Oktubre 13, 2020, Martes, ang isang festschrift para kay Dr. Bienvenido L. Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan at Professor Emeritus ng UP Diliman.

Pinamagatang BIEN! BIEN! ALAGAD NG SINING, ANAK NG BAYAN, tinipon sa makapal na aklat ang iba’t ibang mga akda na isinulat ng mga kasamahan ni Dr. Lumbera sa akademiya at kilusang makabayan, mga guro’t mag-aaral, mga manunulat at artista, mahal sa buhay, at mga naabot ng inspirasyon at impluwensiya ni Dr. Lumbera. Testimonya ang Bien! Bien! sa lawak at lalim ng impluwensiya ni Dr. Lumbera sa mga larangan ng wika, panitikan, malikhaing pagsulat at produksiyon, edukasyon, pelikula, kulturang popular, at Philippine Studies.

Pinamatnugutan nina Dr. Galileo S. Zafra at Prop. Amado Anthony G. Mendoza III ng UP Diliman Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, at ng yumaong iskolar at UP Diliman Professor Emeritus na si Dr. Teresita Gimenez Maceda.

Ang sining sa pabalat ng festschrift ay likha ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Sining Biswal na si Benedicto Reyes Cabrera, o “BenCab.”

Ang Bien! Bien! ay inililimbag ng UP Diliman Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, at ng Sentro ng Wikang Filipino – UP Diliman.

Libreng mada-download ang Bien! Bien! simula sa Oktubre 13, 2020, Martes, sa paglulunsad ng aklat, sa www.swfupdiliman.org/aklatangbayan.

Bukas para sa lahat ng nais dumalo ang paglulunsad. Pumunta lamang sa alinman sa dalawa:

ZOOM: bit.ly/BienBienLunsad

FACEBOOK LIVE: facebook.com/swfupdiliman.

Panawagan sa Manuskrito ng Libro

  1. Tumatanggap kami buong taon ng mga manuskrito ng libro para sa posibleng publikasyon sa Aklatang Bayan Online.
  2. Ang isusumiteng mga manuskrito ng libro para sa konsiderasyon ay dapat orihinal at dapat nakasulat o nakasalin sa wikang Filipino. Lahat ng posibleng disiplina at larangan ay maaaring paksain o pagmulan: mula sa agham, matematika at medisina hanggang sa wika, salin at malikhaing akda hanggang sa agham panlipunan at humanidades. Maaari ring magpasa ng manuskrito ng textbook at module.
  3. Daraan sa istriktong editoryal na proseso ang bawat manuskrito, mula sa inisyal na ebalwasyon ng pamatnugutan hanggang sa masusing ebalwasyon ng mga kritiko o tagasuri.
  4. Ang mga larawan, imahe, likhang-sining atbp na gagamitin sa manuskrito ay dapat tiyaking may sapat na sipi o paghingi ng pahitulot sa may karapatang-ari. Gayundin, kung may bahagi ng manuskrito na nalathala o nailimbag na nang buo o bahagi ay responsibilidad ng awtor na humingi ng pahintulot mula sa orihinal na pinaglathalaan o pinaglimbagan. Gayundin para sa pagkuha ng pahintulot sa mga manuskrito ng salin.
  5. Ang maaaprubahang mga manuskrito ay ilalathala, sa primarya, bilang PDF na mga aklat, may ISBN at CIP. I-a-upload ito sa opisyal na seksyon ng website ng SWF-UPD para libreng ma-download at mabasa ng pinakamaraming kaya nitong abutin.
  6. May pagkakataon na maaaring magdesisyon ang SWF-UPD na ilimbag ito bilang print format, o di kaya’y sa pamamagitan ng print-on-demand.
  7. Ang karapatan sa pagmamay-ari ay kapwa na sa awtor at sa SWF-UPD. May pipirmahang detalyadong kontrata.
  8. Naniniwala ang SWF-UPD, lalo na sa panahon ng pandemya, flexible learning, at lockdown, na ang kaalaman ay dapat libre at naaabot ang pinakamalawak na kayang abutin. Magsisilbi ang Aklatang Bayan Online bilang bukas na silid-aklatan para sa lahat.
  9. Ipadala ang manuskrito ng libro sa aklatangbayanonline@gmail.com at sentromykelandrada@gmail.com. Lakipan ng elektronikong liham na naka-adres kay Dr. Mykel Andrada, Direktor, Sentro ng Wikang Filipino – UP Diliman. Isaad sa liham ang sumusunod: (a) ang manuskrito ng libro ay orihinal na likha o orihinal na salin, (b) abstrak o maikling deskripsyon ng nilalaman ng manuskrito, at (c) at iba pang detalye.
  10. Maraming salamat at malugod naming aabangan ang inyong pagsusumite.
    Para sa wikang Filipino at para sa bayan! Padayon! Sulong! ✊🙏🏼