Teresita Gimenez-Maceda
Amado Anthony G. Mendoza III
Galileo S. Zafra
Mga Patnugot
Ang Bien! Bien! Alagad ng Sining, Anak ng Bayan ay antolohiya ng mga akda na alay para sa Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Dr. Bienvenido L. Lumbera—makabayang guro, manunulat, at kritiko.
Nakatampok sa koleksiyong ito ang mga kritikal na papel na nagdidiskurso sa mga paksa sa larangan ng wika, panitikan, pelikula, kultura, kasaysayan, at politika; gayundin ang mga malikhaing akda—mga kuwento, dula, tula, sanaysay, at saling pampanitikan. May mga larawan ding ipinakisuyo namin sa mga anak mismo ni Sir Bien.
Ang mga nag-ambag ng kanilang mga kritikal at malikhaing akda ay mga kasamang guro sa UP DFPP at sa iba pang pamantasan pinagturuan ni Sir Bien; estudyante sa mga klase sa panitikan; mentee sa pagsulat ng tesis at disertasyon; workshopper ng iba’t ibang palihan sa pagsulat kung saan nagsilbing panelista si Sir Bien; nakatrabaho sa mga proyekto sa publikasyon, sa pelikula, at iba pang media; nakasama sa mga laban para sa wika, kultura, at iba pang usaping panlipunan sa loob at labas ng akademya; kamiyembro sa mga organisasyon ng manunulat, kritiko, edukador; at barkada at kasama sa kilusang makabayan. Ipinahihiwatig ng listahan ng kontribyutor ang samot-saring tao at sektor ng lipunang nakaugnayan ni Sir Bien at ang lawak ng espasyong ginalawan niya para isulong ang makabayang pag-iisip, pagkilos, at paninindigan.
Ang Bien! Bien! Alagad ng Sining, Anak ng Bayan ay alay namin sa aming Dr. Lumbera, Doc Bien, Sir Bien, Bien, at Itay. Nais din naming ituring na ang mga ambag sa antolohiyang ito ay kumakatawan sa iba’t ibang anyo at antas ng impluwensiya ni Sir Bien sa iba’t ibang engkuwentro at ugnayan namin sa kaniyang mga gawa, at sa kaniyang mga pananaw at paninindigan. – MGA PATNUGOT