Skip to main content
Unibersidad ng Pilipinas Diliman | Opisina ng Tsanselor

Pananawagan ng Aklatang Bayan

Magsumite sa Aklatang Bayan:

Panuntunan sa Pagsumite

Tumatanggap kami buong taon ng mga manuskrito ng libro para sa posibleng publikasyon sa Aklatang Bayan Online.

Ang isusumiteng mga manuskrito ng libro para sa konsiderasyon ay dapat orihinal at dapat nakasulat o nakasalin sa wikang Filipino. Lahat ng posibleng disiplina at larangan ay maaaring paksain o pagmulan: mula sa agham, matematika at medisina hanggang sa wika, salin at malikhaing akda hanggang sa agham panlipunan at humanidades. Maaari ring magpasa ng manuskrito ng textbook at module. 

Daraan sa metikulosong pagsusuri at estriktong editoryal na proseso (Double-Blind Peer Review) ang bawat manuskrito, mula sa inisyal na ebalwasyon ng pamatnugutan hanggang sa masusing ebalwasyon ng mga kritiko o tagasuri.

Ang mga larawan, imahe, likhang-sining atbp na gagamitin sa manuskrito ay dapat tiyaking may sapat na sipi o paghingi ng pahitulot sa may karapatang-ari. Gayundin, kung may bahagi ng manuskrito na nalathala o nailimbag na nang buo o bahagi ay responsibilidad ng awtor na humingi ng pahintulot mula sa orihinal na pinaglathalaan o pinaglimbagan. Gayundin para sa pagkuha ng pahintulot sa mga manuskrito ng salin.

Ang maaaprubahang mga manuskrito ay ilalathala, sa primarya, bilang PDF na mga aklat, may ISBN at CIP. I-a-upload ito sa opisyal na seksyon ng website ng SWF-UPD para libreng ma-download at mabasa ng pinakamaraming kaya nitong abutin.

May pagkakataon na maaaring magdesisyon ang SWF-UPD na ilimbag ito bilang print format, o di kaya’y sa pamamagitan ng print-on-demand.

Ang karapatan sa pagmamay-ari ay kapwa na sa awtor at sa SWF-UPD. May pipirmahang detalyadong kontrata.

Naniniwala ang SWF-UPD, lalo na sa panahon ng pandemya, flexible learning, at lockdown, na ang kaalaman ay dapat libre at naaabot ang pinakamalawak na kayang abutin. Magsisilbi ang Aklatang Bayan Online bilang bukas na silid-aklatan para sa lahat.

Ipadala ang manuskrito ng libro sa aklatangbayan.swf.upd@up.edu.ph. Lakipan ng elektronikong liham na naka-adres kay Dr. Jayson Petras, Direktor, Sentro ng Wikang Filipino – UP Diliman. Isaad sa liham ang sumusunod: (a) ang manuskrito ng libro ay orihinal na likha o orihinal na salin, (b) abstrak o maikling deskripsyon ng nilalaman ng manuskrito, at (c) at iba pang detalye.

Pwede ding isumite ang inyong akda gamit ang submission portal ng Aklatang Bayan sa ibaba.

Maraming salamat at malugod naming aabangan ang inyong pagsusumite.

Para sa wikang Filipino at para sa bayan! Padayon! Sulong!