Tinipon sa Pasingaw ni Rommel B. Rodriguez ang mga bagong kasabihan, maikling alamat, at aporismo na kaniyang nasulat at napaunlad sa pamamagitan ng birtwal na mundo ng social media. Naging lunsaran ito ng muni-muni bilang paraan ng interpretasyon at pag-unawa sa mga nagaganap sa lipunan, mula sa maliliit na obserbasyon hinggil sa pag-uugali ng nagbabagong mamamayan, hanggang sa malalaking isyu’t usapin ng bayan tulad ng katarungan at kapayapaan.
Si ROMMEL B. RODRIGUEZ ay kasalukuyang guro ng panitikan at malikhaing pagsulat sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas. Awtor siya ng mga librong Lagalag ng Paglaya (2011) at Mga Apoy sa Ilaya (2018) na kapwa inilathala ng UP Press. Samantala ang kanyang koleksyon ng mga dagli na Maikling Walang Hanggan ay inilathala naman ng UST Publishing House nitong 2019. Bukod sa pagsusulat, siya rin ay aktibong tagapagsulong ng karapatang pantao sa bansa, partikular ng mga bilanggong pulitikal sa Pilipinas. Naging exchange research fellow siya sa University of Shizuoka, Japan noong 2015 at dating direktor ng UP Sentro ng Wikang Filipino. Nitong 2020 ginawaran siya ng Gawad Tsanselor para sa Natatanging Mananaliksik sa Filipino. Aktibong miyembro siya ng Alliance of Concerned Teachers-Philippines at All UP Academic Employees Union.