Koleksyon ito na nagpapasingaw sa danas ng mga dinahas at patuloy na dinadahas ng estado. Paglalapit ito sa mga bata at matatanda sa reyalidad ng mga batang Lumad. Maririnig sa mga tula ang kapirasong naratibo ng mga batang Bakwit na nakaugnay sa matanda nang pakikipaglaban ng kanilang mga ninuno kung saan mahigpit na nakatali ang kanilang kultura at buhay. Ito ang kanilang kahimtang kung sa wikang Bisaya, kene kung sa T’boli, kagka sa B’laan, kabutang sa Mandaya, ko-ingumannan sa Manobo Tinananon, at kalagayan sa Tagalog. Binaligtad ng mga tinig sa tula ang kumpas na ang bata ay tagatanggap lang at di aktibo sa lipunan at pagbabago sa kaayusan nito – CHINA PEARL PATRIA DE VERA
Titser si VIJAE ORQUIA ALQUISOLA ng Panitikan at Malikhaing Pagsulat sa De La Salle University Taft-Manila. Ang paborito niyang ituring subject ay Pagsulat ng Tula para sa mga Bata. Tuwing bakasyon, bukod sa pagsusulat, nakikipagtaguan at nakikipaghabulan siya kina Prince at Himig. Ito ang unang aklat niya ng tula para sa mga bata (at dating bata).