Antolohiya ng Maiikling Kuwento ng mga Indonesian Worker sa Hong Kong, Singapore, at Taiwan
Ang masinsin na pagtitipon at mahusay na pagsasalin ni Carlos Piocos ng mga salaysay ng Tenaga Kerja Wanita (TKW) (o kababaihang manggagawang Indones na nagtatrabaho sa ibayong dagat) ay isang napakahalaga at napakapambihirang ambag sa pagtatawid-kamalayan natin sa karanasan ng mga manggagawang Indones sa ibayong dagat na hindi talaga nalalayo ang karanasan sa ating sariling mga OFW. Sa katunayan, hindi lamang pagkakaisang-diwa ang mararamdaman ng mambabasa kundi isang mahigpit at mainit na pakikipagkapit-bisig sa pagsusulong ng mga karapatan ng lahat ng mga migranteng manggagawa sa buong daigdig. Sana ay makapulot din ng inspirasyon ang mga OFW sa mga akdang ito upang magsulat din ng kanilang mga salaysay at kwento sa parehong antas ng pagkamalikhain at pagkamasining. – RAMON GUILLERMO, PROPESOR NG CENTER FOR INTERNATIONAL STUDIES (CIS), UP DILIMAN
Si CARLOS M. PIOCOS III ay associate professor sa Departamento ng Literatura at fellow sa Southeast Asian Research Center and Hub (SEARCH) ng De La Salle University. Nagtapos siya ng BA Comparative Literature sa UP Diliman, MA Critical and Cultural Theory sa Cardiff University at PhD Comparative Literature sa The University of Hong Kong. Ang kanyang disertasyon ay nakatuon sa pag-aaral ng mga akdang pampanitikan, pelikula at pangkulturang produksiyon ng kababaihang migranteng manggagawa sa Asya, partikular ng mga Filipina at Indonesian domestic worker. Bilang mananaliksik, nailathala na ang kanyang pag-aaral sa panitikan at pelikula ng diaspora sa Timog Silangang Asya sa mga journal na Feminist Media Studies, Kritika Kultura, Humanities Diliman, at Plaridel. Kasalukuyan niyang inihahanda ang kanyang unang kritikal na manuskrito ukol sa pulitika ng migrasyon sa Asya para sa Routledge. Bilang makata, nagwagi ng ilang gantimpala sa pagtula (Carlos Palanca Memorial Awards for Literature: 2007, Unang Gantimpala sa Tula at 2010, Unang Gantimpala sa Tula) at naging fellow sa iba’t ibang pambansang palihan (Ateneo, UP, La Salle at Iligan). Inilimbag ng University of Sto. Tomas Publishing House ang kanyang unang aklat ng tula, Corpus, noong 2011, at ng University of the Philippines Press ang kanya namang ikalawang aklat ng tula, Kung ang Siyudad ay Pag-ibig, nitong 2019.