Talakayan sa Wikang Filipino, Akademya, at Bayan
Ang Talasalitaan ay regular na talakayan na isinasagawa ng Sentro ng Wikang Filipino-UP Diliman (SWF-UPD) na nagtatampok ng iba’t ibang paksa o isyu na may kaugnayan sa wikang Filipino mula sa iba’t ibang disipina. Pinasimulan ito sa panunungkulan ni Direktor Rommel B. Rodriguez (2014-2019) na may mithiing higit pang maisulong ang Palisi sa Wika ng Unibersidad ng Pilipinas.
Sa layuning maipahatid sa mas marami ang mga talakayan, nagbabanyuhay ang Talasalitaan sa anyong online magazine show na talaSalitaan online. Magkatuwang itong itinataguyod ng SWF-UPD at ng Center for Open and Digital Teaching and Learning ng UP Open University (UPOU). Target na maisagawa ng apat hanggang anim na beses sa isang taon, ang talaSalitaan online ay isang oras na programang ipalalabas nang live sa iba’t ibang platform ng SWF-UPD at UPOU. Nakatuon ang paksa ng bawat episode sa mga usaping nauukol sa wikang Filipino at kaugnayan nito sa mga pangyayari sa akademya at bayan. Sa pamamagitan nito, inaasahan ang malalimang talakayan, kasabay ng interaktibong usapan sa pagitan ng mga tagapagsalita, tagapagpadaloy, at mga manonood.