Ang programang Pasinatì: Pagsasanay sa Wika, Teorya, at Metodolohiya ay isang online na palihan na nauukol sa iba’t ibang pananaw, kaisipan, at praktis pangwika. Mula sa wikang Sugbuanong Binisaya ang salitang “pasinatì” na nangangahulugang “iparanas.” Sang-ayon sa Pambansang Diksiyonaryo sa Filipino (2021), maitutumbas din ang nasabing salita sa palihan/workshop, dahilan kung bakit ito ang napiling pangalan ng programa, bukod pa sa pagtatampok ng mga konseptong nagmumula sa mga wika sa Pilipinas na saligan ng wikang pambansa. Pangunahing layon ng Pasinatì ang mapasigla at maipalaganap ang paggamit ng Filipino sa pananaliksik. Inaasahan na maitatampok dito ang mga usapin sa wika, teorya, at metodolohiya na isinasagawa sa iba’t ibang akademikong larang.
Ang mga panayam na naisagawa sa Pasinatì ay makikita sa Sentro ng Wikang Filipino – UP Diliman YouTube channel https://www.youtube.com/@swfupd.