Ang sinapit ng Kabisayaan noong Nobyembre 2013 kaugnay ng Bagyong Yolanda at ang mga matitinding hamong idinulot nito sa lipunang Pilipino ang nagbunsod ng pag-aaral na ito mula sa akademikong larangan ng sosyolohiya at panlipunang pananaliksik. Sa diwa ng panlipunang pagbabanghay, inihain ang kuwentong bayan bilang isang disenyo ng pananaliksik na nakatuon sa pakikinig at pag-unawa sa mga pananaw at karanasan na may katuturan o saysay para sa mga mamamayan ng isang pook. Masasabing ang paggamit ng sariling wika sa pook-larangan ang diwang gumabay sa nasabing paglinang ng kuwentong bayan.
Mula 2014 hanggang 2017, itinuon ang pag-aaral sa tatlong pook-larangan na may natatanging kaugnayan sa mga mananaliksik. Mula sa kanyang masteradong pag-aaral na nakatuon sa Bundok Banahaw, ipinagpatuloy ni Winifredo B. Dagli ang pananaliksik sa mga usaping pangkapaligiran sa karatig bayan ng Sariaya, Quezon. Tinutukan naman ni Clemen C. Aquino ang pitong lawa sa San Pablo, Laguna, ang bayang kanyang nilakhan, at ang mga hamong pangkapaligirang hinarap sa daloy ng panahon. Mula sa karatig-bayan ng Cabuyao, binigyang-pansin naman ni Justine Kristel A. Villegas ang mabilis na pagbabagong nagaganap sa makasaysayang bayan ng Calamba dulot ng industriyalisasyon at mga kaugnay na usapin tulad ng paghina ng agrikultura at pagbaha sa panahon ng kalamidad.
Ipinakita ng pag-aaral na sa pagsasagawa ng panlipunang pananaliksik na nakatuon sa tinig at karanasan ng mga mamamayan sa pook-larangan, kasama na ang mundo ng social media, malilinang ang mga kuwentong bayan na nagpapakita ng maigting na pagkakaugnay-ugnay ng mga usaping pangkapaligiran, pangkapaniwalaan at pangkaunlaran. Ipinapakita rin na sa panlipunang pagbabanghay kung saan magkaagapay ang mga mananaliksik at mga kalahok ng pag-aaral, may pagkakataon na malinang din ang mga dalumat tulad ng taongbahay at taongbayan at mga kaakibat na kaparaanan ng pag-aaral na nagtataguyod ng mga pangangailangan at adhikain ng malawakang bayan.
Ang pag-aaral na ito ay isinagawa sa ilalim ng Gawad Saliksik-Wika ng Sentro ng Wikang Filipino UP Diliman.