Masasabing ang sinapit ng Kabisayaan dulot ng Bagyong Yolanda noong Nobyembre 2013 ay nagsilbing
isang mabigat na hamon para sa buong bansa at sa mga institusyong panlipunan nito. Sa pagpapanukala
para sa Gawad Saliksik Wika ng Sentro ng Wikang Filipino sa UP Diliman ng isang pag-aaral patungkol
sa kapaligiran, kapaniwalaan, at kaunlaran gamit ang disenyo ng kuwentong bayan noong 2014, nilayong
makapag-ambag ang disiplina ng sosyolohiya, ang larangan ng panlipunang pananaliksik, at nililinang na
panlipunang pagbabanghay sa pagtugon sa matitinding suliraning pangkapaligiran at panlipunan.
Mahalagang sabihin na saligang bahagi ng pagpupunyaging ito ang kursong Environmental Issues na
itinaguyod ng Departamento ng Sosyolohiya at ng UP Diliman noong unang bahagi ng dekada otsenta at
ang integratibong perspektiba sa pananaliksik na ginamit ng ilang mag-aaral ng sosyolohiya nitong
nagdaang ilang taon.
Tatlong pook-larangan ang pinagtuonan ng pansin sa pag-aaral na ito. Mula sa masteradong pag-aaral na
nakatuon sa Bundok Banahaw, ipinagpatuloy ni Winifredo B. Dagli, na nagmumula sa Candelaria at
Dolores, Quezon ang pananaliksik sa mga usaping pangkapaligiran sa Sariaya, Quezon. Bagama’t
malimit ituring na lugar ng kapaniwalaan ang Bundok Banahaw, nahaharap din ito sa ilang seryosong
usaping pangkapaligiran tulad ng banta ng landslide sa isang bahagi ng crater nito sa bahagi ng Sariaya
(tingnan ang larawan mula sa Sariaya). Itinuturing ang sarili na taga-San Pablo, pinag-aralan ni Clemen C.
Aquino ang pitong lawa ng San Pablo at ang mga hamong pangkapaligirang hinarap ng kanilang bayan sa
daloy ng panahon. Subalit sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba’t ibang sektor noong 2017, tila
sinasalamin ng larawan ang isang natatanging pagpupunyagi para sa malawakang paglilinis ng Lawa ng
Sampalok (tingnan ang larawan mula sa San Pablo). Mula sa karatig-bayan ng Cabuyao, binigyang-
pansin naman ni Justine Kristel A. Villegas ang mabilis na pagbabagong nagaganap sa makasaysayang
bayan ng Calamba dulot ng industriyalisasyon at mga kaugnay na usapin tulad ng paghina ng agrikultura
at matinding pagbaha sa panahon ng kalamidad. Makikita halimbawa sa larawan ang baywalk sa
Barangay Lingga sa gilid ng Lawa ng Bai, na nakararanas ng agarang pag-apaw ng tubig tuwing may
malakas na bagyo (tingnan ang larawan mula sa Calamba). Kasama sa pagpupunyaging ito bilang mga
katuwang na mag-aaral at nakababatang mananaliksik sina Reina D. Manongsong, Charlene Mae B.
Arkaina at Mary Jesusa A. Villegas na may natatanging kaugnayan din sa mga pook-larangan.
Sa pamamagitan ng pagbisita sa pook-larangan, pagpapakuwento, pakikinig sa pagbabahagi ng mga kalahok dito, paggamit ng biswal na paraan ng pag-aaral, at mga piling sanggunian kasama ang mula sa social media, nasaksihan ang pagkakaugnay-ugnay ng mga usaping kapaligiran, kapaniwalaan at kaunlaran sa antas
ng pang-araw-araw na buhay sa pook-larangan. Saligan ng pag-unawa sa pagkakaugnay-ugnay na ito sa
mga nalinang na kuwentong bayan ang wika ng mga nagbabahagi. Sa pagtatapos ng pananaliksik, naging
matingkad ang salita o dalumat ng taongbahay na sumasalamin sa mga katangian ng ilang kalahok na
nag-alaga ng kapakanan at kinabukasan ng kanilang bayan bilang kanilang sariling tahanan. Mahalagang
malinang pa ang pagkakaugnay ng taongbahay at taongbayan sa konteksto ng Timog Katagalugan sa
antas ng institusyong panlipunan at malawakang bayan.
Nakatakdang ilunsad ng Sentro ng Wikang Filipino – UP Diliman ang aklat na ito ngayong 2023 bilang
Materyal Pang-edukasyon sa ilalim ng Aklatang Bayan Online na may pamagat na “Kuwentong Bayan:
Kapaligiran, Kapaniwalaan, at Kaunlaran.” Inaasahang magagamit ang aklat ng mga guro at mag-aaral sa
mga asignatura at paksang may kinalaman sa wika, agham panlipunan, panlipunang pananaliksik, at mga multi- at interdisiplinaryong larangan, gayundin ng mga samahan at pampublikong institusyon na inuunawa ang mga kuwentong pinahahalagahan ng kanilang bayan.