


Gawad sa Pinakamahusay na Saliksik sa Daluyan Journal
I. Introduksiyon Ang Daluyan: Journal ng Wikang Filipino ay isang refereed journal na monolingguwal sa Filipino na nagtatampok sa mga artikulong bunga ng pag-aaral o pananaliksik hinggil sa wika, panitikan, kultura, kasaysayan, at iba pang larang. Layunin nitong pagyamanin ang diskurso sa iba’t ibang disiplina sa wikang Filipino. II. Layunin Layunin ng gawad na ito na mabigyan ng pagkilala ang pagsisikap ng bawat kontribyutor na maitampok ang kanilang saliksik sa wika, panitikan, kultura, kasaysayan, at iba pang larang gamit ang wikang Filipino. Gayundin, paraan ito upang hikayatin ang komunidad ng UP na manaliksik at magsulat sa wikang Filipino para sa konsiderasyon sa paglalathala sa Daluyan Journal. III. Kalipikasyon Maaaring maging nominado ang sinumang kontribyutor sa regular na isyu ng Daluyan Journal na nailathala. IV. Premyo Para sa Pinakamahusay na Saliksik sa Daluyan Journal Plake ng Pagkilala Publikasyon ng SWF-UPD Premyong salapi Para samga Finalist (3) Sertipiko ng pagiging Finalist VII. Pamantayan sa Pagpili ng mga Finalist at Pinakamahusay na Saliksik 1. Malaki ang ambag ng saliksik sa pagtuturo o kaya’y sa pagtugon sa mga problema at pagpapaunlad ng larang at mga kaugnay nito. 2. Malinaw ang pagsusuri at paliwanag sa konteksto ng mga nagtutunggaliang posisyon sa larang. 3. Matibay ang tinutuntungang teoretikal o konseptuwal na balangkas. 4. Matalisik ang mga obserbasyon, kongklusyon, at rekomendasyon. 5. Mahusay ang pagkasulat ng papel na nakatutugon sa pangangailangan ng mga mambabasang nasa akademya at kaugnay na propesyon. 6. Mahusay ang organisasyon ng mga bahagi ng papel at masinop ang gamit sa wikang Filipino. |
Tala: Sakaling higit sa isa ang awtor ng artikulo, tatanggapin nila ang premyong salapi bilang grupo.
V. Lupon ng mga Hurado
Ang SWF-UPD ang hihirang ng mga miyembro ng Lupon ng mga Hurado na susuri at pipili ng magiging mga finalist (3) at ng pinakamahusay na saliksik sa Daluyan Journal.
Ang pagpili ng pinakamahusay na saliksik ay batay sa pamantayan o tuntunin na binuo ng SWF-UPD.
VI. Proseso sa Pagpili ng Pinakamahusay na Saliksik sa Daluyan Journal
1. Ang SWF-UPD ay magtatalaga ng Lupon ng mga Hurado. Sila ay mga premyadong mananaliksik at/o manunulat, kabilang sa refereed journal, at/o tumanggap din ng iba’t ibang gawad mula sa loob at/o labas ng UP. Pangunahing tungkulin ng mga hurado ang magtakda ng pamantayan, kasama ng SWF-UPD, na gagamitin sa pagsusuri, pagsala, at pagpili ng mga finalist (3) at tatanghaling Pinakamahusay na artikulo sa Daluyan Journal.
2. Ang pagbabasa at pagsusuri ng mga hurado sa mga artikulo ay magsisimula sa itatakdang petsa. Pagkaraan ay magkakaroon ng pulong ang lahat ng Hurado para sa deliberasyon sa pagpili ng mga finalist at tatanghaling pinakamahusay na artikulo sa Daluyan.
3. Padadalhan ng liham-pabatid ang mapipiling mga finalist. Kinakailangang magpasa ang mga finalist (3) ng curriculum vitae bilang tanda ng kanilang kumpirmasyon.
4. Iaanunsiyo ang mga finalist sa itatakdang petsa.
5. Gagawaran sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ang tatanghaling Pinakamahusay na Artikulo sa Daluyan Journal.
6. Ang pasiya ng mga hurado ay pinal.
7. Para sa iba pang detalye o katanungan, maaaring mag-iwan ng mensahe kay Lari Sabangan sa pamamagitan ng email na ito: lbsabangan@up.edu.ph o tumawag sa telepono: VOIP 4583 o 898-185-00
PAMANTAYAN | KAUKULANG PUNTOS |
Nilalamang Paksa Naghahatid ang saliksik ng bagong kaalaman sa larang. | 30% |
Paglinang sa Wikang Filipino Nag-aambag sa pagpapaunlad at pagpapayaman ng wikang Filipino. | 35% |
Kabuluhan ng Saliksik Nagpapakita ng kabuluhan ng Saliksik sa paglilinaw sa mga usapin ng kultura at pag-unlad. Nagpapakita ng paggamit at pagtanggap sa wikang Filipino sa Pilipinas at sa iba’t ibang sektor ng lipunan. | 35% |
Kabuoan | 100% |
VIII. Kahingian sa mga Finalist
8.1. Liham ng Pagtanggap
8.2. Curriculum Vitae at bionote ng (mga) mananaliksik
8.3. Larawan