Bukod sa paglathala ng mga aklat pambata, paggamit ng mga ito sa pagkatuto, pagpaparating nito sa mga batang mambabasa, at pagsasaakademiko ng mga ito, mahalaga ang papel ng pagsulat ng mga rebyu ng aklat pambata. Nabibigyan nito ng panibagong susón ang pagpapakahulugan sa mga kuwentong isinulat para sa mga batang mambabasa. Nabibigyan din ng atensiyon ang mga akdang may malaking potensiyal upang makapagpabago at magsakapangyarihan sa mga batang pinag-aalayan ng mga akdang ito. Gayundin, makakatulong ang rebyu upang hubugin ang pambansang kamalayan tungkol sa pagtingin sa panitikang pambata sa Pilipinas.
Dahil dito, tinipon ng Supling Sining, Ink., at Sentro ng Wikang Filipino ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman ang ilang rebyung nagtataguyod sa mga aklat pambatang nailathala mula 2019 hanggang 2022. Ang mga rebyu ay isinulat ng mga akademiko, guro, manunulat ng kuwentong pambata, mga magulang at mag-aaral—mga tagapagtaguyod ng batang Pilipino. Hangad ng Suring Supling: Kalipunan ng mga Rebyu ng mga Aklat Pambata sa Pilipinas na ipakitang kasama ang pagsusuri sa mga akdang pambata sa pagpapayabong ng panitikang pambata sa Pilipinas. Maituturing itong panghikayat sa mga nais ding magsulat ng aklat pambata dahil mas nauunawaan ang mahahalagang katangian ng isang mahusay na kuwentong pambata sa mga rebyu. Marami pang aklat pambata na naghihintay ng pansin, pagtitig, pagsisiwalat, at pagpapahalaga at pagtangkilik, upang maging tinig ng mga musmos sa isang lipunang mas malaya at mapagpalaya.