Inihahandog natin ang Aklat-Palihan sa lahat ng mga nagbuwis ng buhay, mga bayani, at patuloy na nnaninindigan laban sa awtoritaryan at marahas na pamumuno sa ilalim ng Martial Law, na ngayong 2022 ay sumapit na sa ika-50 Anibersaryo ng Deklarasyon ng Batas Militar sa Pilipinas mula noong 1972. Sa pamamagitan nito, nais nating ipaalala na hindi natin nalilimutan ang lagim na dulot ng Martial Law.
Itinataguyod natin ang pangangailangang maging mapagbantay, magsuri nang lubos, at matuto sa ating karanasan upang hindi na muling maulit ang pagkakamali at pinsalang naidulot ng marahas na paghahari ng diktadurang Marcos. Isinususog dito na walang katapusan ang laban para sa katotohanan at katarungan, laban sa kasinungalingan, sa mali, sa masama, sa marahas, at di-makataong paraan ng pagpapatakbo ng bayan.
– Mula sa “Pagpapakilala sa Aklat ng Palihan sa PS 21” ni Dr. Nancy A. Kimuell-Gabriel