Tinalakay sa aklat ang proseso ng kagipitan-ligalig-pag-angkop ng mga anak ng bilanggong politikal noong panahon ng diktadurang Marcos. Ang pag-aaral ay ayon sa isang konseptwal na balangkas na nagpakita sa saligang takbo ng prosesong ito at kung paano ito naaapektuhan ng iba’t ibang saligan ng mga bata at ng kanilang kapaligiran. Tinukoy ang mga sitwasyon at pangyayari na gumipit at lumigalig sa mga bata sa pagkabilanggo ng kanilang mga magulang at ang mga problemang ibinunga nito na pawang negatibo ang katangian. Nakita sa pag-aaral ang ilang matingkad na tuwiran at hindi tuwirang epekto sa kalusugan ng hindi pagtatagumpay ng mga kilos pag-angkop. Malinaw ring nakita sa pag-aaral ang masaklaw at malalim na epekto ng makauring estruktura at ang estado at rehimeng pampolitika. Hindi lamang ito pinanggagalingan ng mga kagipitan at ligalig kundi nakahadlang din ito sa pagsisikap ng mga bata sa pag-angkop at sa ibang nais tumulong sa mga bata at sa kanilang pamilya.
Si ELIZABETH PROTACIO-DE CASTRO ay Retiradong Propesor sa Departamento ng Sikolohiya, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Siya rin ay Direktor ng Psychosocial Support at Children’s Rights Resource Center na isang research at training center para sa mga pag-aaral at pananaliksik tungkol sa kapakanan at karapatan ng mga kabataan at may partikular na pagtuon sa pagbibigay ng suportang sikolohikal at pangkalahatang kaginhawahan sa kabataan. Siya ay chairperson ng Board and Child Rights Coalition Asia at miyembro ng advisory board ng Mental Health and Psychosocial Support Network.