Sinusuri ng libro ang wika at ang pag-aaral nito bilang lugar ng politika at tunggalian. Inaral ang pag-unlad at tunguhin ng iba’t ibang uri ng araling wika sa labas ng bansa at ang impluwensiyang dulot ng mga ito sa mga pag-aaral na ginawa sa loob ng bansa. Nakasentro ang pagtalakay ng politika ng araling wika at politika ng wika sa panahon ng dekada sitenta dahil sa panahong iyon din naging pinakaproduktibo ang mga nabanggit na aralin. Pinakaproduktibo ang naging pag-unlad ng mga araling wika dahil sa mga panahon ding iyon naging lantad ang ideolohikal na tunggalian sa pagitan ng wika at lipunan, gaya ng kongkretong tunggalian sa mismong lipunan. Nakatutok ang pag-aaral sa paggamit ng wika bilang instrumento ng kapangyarihan at wika bilang materyal na manipestasyon ng pasistang ideolohiya ng reaksyonaryong pamahalaang Marcos sa ilalim ng balatkayong kilusang demokratiko at palinghenetikong kilala natin ngayon bilang “Bagong Lipunan.”
Si GONZALO CAMPOAMOR II ay kasalukuyang Propesor sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Nagtapos siya ng di-gradwado at gradwadong kurso sa Philippine Studies, Wika, at Kasaysayan sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman at Hitotsubashi University sa Tokyo.