Ilulunsad sa Oktubre 13, 2020, Martes, ang isang festschrift para kay Dr. Bienvenido L. Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan at Professor Emeritus ng UP Diliman.
Pinamagatang BIEN! BIEN! ALAGAD NG SINING, ANAK NG BAYAN, tinipon sa makapal na aklat ang iba’t ibang mga akda na isinulat ng mga kasamahan ni Dr. Lumbera sa akademiya at kilusang makabayan, mga guro’t mag-aaral, mga manunulat at artista, mahal sa buhay, at mga naabot ng inspirasyon at impluwensiya ni Dr. Lumbera. Testimonya ang Bien! Bien! sa lawak at lalim ng impluwensiya ni Dr. Lumbera sa mga larangan ng wika, panitikan, malikhaing pagsulat at produksiyon, edukasyon, pelikula, kulturang popular, at Philippine Studies.
Pinamatnugutan nina Dr. Galileo S. Zafra at Prop. Amado Anthony G. Mendoza III ng UP Diliman Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, at ng yumaong iskolar at UP Diliman Professor Emeritus na si Dr. Teresita Gimenez Maceda.
Ang sining sa pabalat ng festschrift ay likha ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Sining Biswal na si Benedicto Reyes Cabrera, o “BenCab.”
Ang Bien! Bien! ay inililimbag ng UP Diliman Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, at ng Sentro ng Wikang Filipino – UP Diliman.
Libreng mada-download ang Bien! Bien! simula sa Oktubre 13, 2020, Martes, sa paglulunsad ng aklat, sa www.swfupdiliman.org/aklatangbayan.
Bukas para sa lahat ng nais dumalo ang paglulunsad. Pumunta lamang sa alinman sa dalawa:
ZOOM: bit.ly/BienBienLunsad
FACEBOOK LIVE: facebook.com/swfupdiliman.