







Isang samahang non-stock, non-profit ang Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT). Itinatag ito noong Setyembre 3, 1997 sa pangunguna ng ilang manunulat, tagasalin, manggagawang pangkultura. Nang itatag ang FIT, inilatag ang maraming layunin kaugnay ng larangan ng pagsasalin bilang tampok na bahagi ng kultura at larangang pang-akademya. Kabilang sa mga ito ang (1) pagtataguyod sa pag-unlad ng pambansang wika; (2) paglinang sa sining at kulturang Filipino; (3) pagbibigay ng pagkakataon sa mahusay na pagsasalin sa mga teknikal at akademikong teksto mula sa katutubo o dayuhang wika patungo sa Filipino, at vice-versa; (4) pagsasanay sa mga propesyonal na tagasalin sa pamamagitan ng pagsasagawa ng palihan at seminar sa pagsasalin; at (5) maglathala ng mga akdang naisalin.
Malaking proyektong itinataguyod ngayon ng FIT sa pakikipagtulungan sa National Commission or Culture and the Arts (NCCA), Blas F. Ople Foundation, at UP Kolehiyo ng Arte at Literatura ang Sawikaan: Mga Salita ng Taon (Pambansang kumperensiya sa Wika at Pagpili ng Salita ng Taon. Sinimulan noong 2004 at taunan nang isinasagawa tuwing unang linggo ng Agosto.
Sawikaan 2004: Mga Salita ng Taon.
17 Agosto 2004. Pulungang Recto, Bulwagang Rizal, Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon.
Sawikaan 2005: Mga Salita ng Taon.
4-5 Agosto 2005. Pulungang Recto, Bulwagang Rizal, Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon.
May temang "Ang Papel ng Midya sa Pagpapalaganap ng Modernong Filipino." May dalawang eksperto mula sa Tsina at Rusya ang nagbahagi tungkol sa karanasan ng kanilang bansa sa pagpapaunlad ng kanilang wika.
Sawikaan 2006: Mga Salita ng Taon.
3-4 Agosto 2006. Pulungang Recto, Bulwagang Rizal, Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon.
May temang "Ang Wikang Filipino at ang Pambansang Edukasyon." Isang eksperto mula sa Espanya ang nagbahagi tungkol sa karanasan ng kanilang bansa sa pagpapaunlad ng kanilang wika.
Naging aktibo rin ang FIT sa pagtataguyod ng mga proyektong pampanitikan. Sa pakikipagtulungan sa UP Institute of Creative Writing (UP ICW), Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), at National Commission for Culture and the Arts (NCCA), itinaguyod nito ang mga patimpalak para sa pagsulat ng maiikling katutubong tula gaya ng tanaga, dalit, at diona. Sa unang pagkakataon, nahikayat na tumula ang libo-libong Filipino at ilahok ito gamit ang teknolohiya ng cellular phone. Binansagan ang mga patimpalak ayon sa anyo ng tulang itinatampok: Textanaga, Dalitext, at Dionatext.
Sa tulong ng NCCA, nakapaglathala na rin ang FIT ng mga pampanitikang akda. Ito ang mga koleksiyon ng mga tulang nagwagi sa itinaguyod nitong patimpalak.
Textanaga
Maynila: Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), Pebrero 2003. Mga Editor: Virgilio S. Almario, Romulo P. Baquiran, Jr., at Victor Emmanuel Carmelo D. Nadera Jr.
Dalitext
Maynila: Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), Setyembre 2003. Mga Editor: Virgilio S. Almario, Romulo P. Baquiran, Jr., at Victor Emmanuel Carmelo D. Nadera Jr.
Dionatext
Maynila: Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), Marso 2004. Mga Editor: Virgilio S. Almario, Romulo P. Baquiran, Jr., at Victor Emmanuel Carmelo D. Nadera Jr.